TV

Magpakailanman presents 'Husband for Sale'



Lahat ay kayang gawin at isakripisyo ng isang maybahay para lamang panatilihing buo at matatag ang kanyang pamilya . Pero paano naman kung kailangan n'yang ibenta ang sariling mister kapalit ng lunas para sa nag aagaw-buhay na ama?

Ngayong Sabado, tunghayan natin ang nakakaintriga pero tunay na kwento ni Precy – isang ginang na ibinenta ang kanyang mister para lamang iligtas ang buhay ng kanyang ama!

Itinakwil sina Precy at Anthony ng kanilang pamilya dahil maaga silang nag-asawa. Nakadanas sila ng labis ng kahirapan pero magkasama nilang hinarap ang mga pagsubok na ito.

Isang araw, nakilala ng mag-asawa si Rochelle at dito nagtrabaho si Anthony at sa compound n’ya sila tumira. Mula sa mahirap na kalagayan ay naging maginhawa ang buhay nina Precy at Anthony dahil kay Rochelle. Naging malapit ang loob ni Anthony kay Rochelle hanggang sa natuklasan ni Precy na may relasyon na pala ang dalawa!

Kinompronta ni Precy sina Anthony. Humingi naman ng tawad si Anthony kay Precy at nangakong magbabago na. Subalit, nagkasakit nang malubha ang ama ni Precy at nangailangan ang pamilya ng malaking pera. Dahil sa sobrang kagipitan at wala nang iba pang matakbuhan, lumapit na si Precy kay Rochelle para mangutang. Pero paano kung ang hinihinging kapalit kay Precy ni Rochelle ay si Anthony? Paano kung ibenta nga ni Precy ang kanyang mister sa naging kabit nito? Tuluyan na nga bang masisira ang pamilya nina Precy at Anthony?

Ngayong Sabado, September 26, ating abangan sa Magpakailanman ang kwento na Husband for Sale.

Itinatampok ang mahusay na pagganap ng mag-amang sina Carla Abellana at Rey “PJ” Abellana bilang Precy at Ador. Kasama rin sina Rafael Rosell bilang Anthony, Katrina Halili bilang Rochelle, Rap Fernandez bilang Alex, Karla Pambid bilang Betty, at Justin De Leon bilang Justin.

Ito ay sa ilalim ng direksyon ni Lord Alvin Madridejos, mula sa panulat ni Senedy Que, at pananaliksik nina Karen Lustica at Stanley Pabilona.