TV

Magpakailanman presents 'Anak ni Mister, Kabit ni Misis'



Ang mister lagi ang naibabalitang nagtataksil sa kanyang misis, pero paano kung si misis naman ang magtaksil at ang kinalokohan nito ay walang iba kundi ang anak ng kanyang mister?!

Ngayong Sabado, panoorin natin ang pag-iibigan nina Stacy at Junell – isang mapusok na pag-ibig na sisira sa pagmamahal at tiwala ng isang ama.

Bunso sa magkakapatid si Junell. Malapit s’ya sa kanyang inang si Rebecca. Isang araw, muntik nang masagasaan si Junell pero niligtas s’ya ni Rebecca. Dahil dito, namatay si Rebecca. Magmula noon ay s’ya na ang laging sinisisi ng kanyang amang si Jonard na dahilan kung bakit namatay si Rebecca.

Nang magbinata si Junell, nakilala at naging girlfriend ni Jonard si Stacy. Pinakilala kay Junell dahil balak na nilang magpakasal. Mabait naman kay Junell ang kanyang stepmother. Lagi s’yang sinusuportahan nito sa kanyang mga pangarap.

Minsan pinagtaksilan ni Jonard si Stacy, dahilan kung bakit naging mas malalim pa ang pagtitinginan nina Junell at Stacy sa isa’t isa. Nagkaroon sila ng relasyon at patagong nagkikita pa para takasan si Jonard!

Di nagtagal, nakahalata na si Jonard sa kakaibang kinikilos ng kanyang asawa at anak kaya sinundan n’ya ang dalawa. Laking-gulat ni Jonard nang matagpuan n’ya sa motel ang kanyang misis at anak na magkasama!

Tuluyan na nga bang magkakasiraan ng loob ang mag-ama?

Magawa kayang ipaglaban nina Junell at Stacy ang kanilang pag-ibig kahit na sakit ang dinulot nila sa iba?

Mapapatawad pa kaya ni Jonard ang kataksilan ng kanyang asawa at anak?

Ngayong Sabado, October 10, tunghayan natin sa Magpakailanman ang “Anak ni Mister, Kabit ni Misis."

Itinatampok sina Ina Raymundo, Joko Diaz, Jeric Gonzales, Sharmaine Suarez, Ben Isaac, Bryan Olano at Prince Villanueva.

Sa ilalim ng direksyon ni Lord Alvin Madridejos, mula sa panulat ni Senedy Que, at pananaliksik nina Karen Lustica at Stanley Pabilona.