TV

'Magpakailanman' presents 'Ang Asawa Kong Aswang'



Wala na ngang sasaya pa sa isang taong nahanap na ang kanyang tunay na pag-ibig pero paano kung matuklasan n’ya na ang taong pinakamamahal n’ya ay wala sa katinuan at isa palang aswang?

Ngayong Sabado, panoorin natin ang nakakatindig-balahibong kwento ni Gloria – ang babaeng minahal nang labis ni Johnny kahit na ito ay may sakit sa pag-iisip at isa umanong aswang sa kanilang bayan.

Sa isang maliit na barangay, nabighani ang lahat sa pagdating ni Gloria. Kahit na may anak na ito, marami ang gustong manligaw sa kanya subalit wala s’yang pinapansin. Nagbago ang lahat nang makilala ni Gloria si Johnny. Nahulog ang loob ni Gloria kay Johnny dahil napatunayan nito na mabuti at malinis ang kanyang hangarin. Hindi nagtagal, nagsama rin sa iisang bubong ang dalawa.

Minahal naman ni Johnny ang anak ni Gloria na para bang tunay na rin n’yang anak. Naging maayos at masaya ang kanilang pagsasama. Pero pagkalipas ng ilang buwan, may mga kakaibang nangyari sa kanilang lugar. May mga hayop na nawawala at kapag natagpuan ay patay na at para bang sinipsip na ang dugo.

Nagkaroon tuloy ng paniniwala na may aswang sa paligid. Napapansin din ni Johnny na nagbago ng ugali si Gloria. Kapag alas-dose ng madaling araw ay nawawala ito at natatagpuan sa itaas ng tore na nakatingin sa bilog na buwan. Lagi rin nitong pinupuntahan ang kapatid ni Johnny na buntis. Nagkaroon tuloy ng mga tsismis sa barangay na aswang si Gloria! Nagalit si Johnny at pinagtanggol ang kanyang asawa!

Hanggang sa isang araw, nahuli ni Johnny na kinakausap ni Gloria ang kanyang sarili. Nadiskubre pa ni Johnny na si Gloria pala ang kumakain ng hayop sa kanilang lugar! May diperensya pala sa utak si Gloria kaya nananakit ito ng mga buhay!

Magawa kayang talikuran ni Johnny ang pagmamahal n’ya kay Gloria?

Paano kung tuluyan nang masiraan ng bait si Gloria at makapanakit pa ng iba?

Handa kaya si Johnny na gawin ang lahat para maibalik sa matinong pag-iisip si Gloria?

Ngayong Sabado, July 16, tunghayan natin sa Magpakailanman ang totoo at kahindik-hindik na kwentong “Aswang si Misis.”

Itinatampok sina Andrea Torres, Benjamin Alves, Eva Darren, Tonio Quiazon, Raul Russo, Chinggay Riego, Ana Feleo at Ervic Vijandre.

Sa ilalim ng premyadong direksyon ni Carlitos Siguion-Reyna, mula sa mahusay na panulat ni Michiko Yamamoto at pananaliksik ni Karen P. Lustica at Stanley Pabilona.