TV

'Magpakailanman' presents 'When Love Becomes Obsession'

Ano ang maaaring maging hantungan ng isang nag-aalab na pag-ibig na hindi nasuklian?

Tunghayan ngayong Sabado sa Magpakailanman ang isang kuwento ng pag-iibigang nauwi sa pagkamuhi, paghihiganti at kalunos-lunos na trahedya.

Tutol ang nanay ni Rhoda na si Mabel sa relasyon ng anak sa kababata nitong si Emil, dahil tulad nila ay hindi rin nabiyayaan ng kaginhawaan sa buhay ang pamilya ni Emil. Para mailayo kay Emil, hindi tumanggi si Mabel nang mag-alok ng kasal ang isa pang manliligaw ni Rhoda na si Wendel, kapalit na rin ng pagbura ng lahat ng pagkakautang nila sa pamilya ng lalaki. Gustong takasan ni Rhoda ang pamilya at sumama kay Emil. Pero sa pagmamakaawa at pangungonsensya ng ina, tinalikuran ni Rhoda si Emil at nagpakasal kay Wendel. Nasiraan ng loob si Emil, lumayo at nagtanim ng galit sa minamahal n’yang si Rhoda.

Nang maikasal, ipinamukha ni Rhoda kay Wendel na hinding-hindi n’ya ito magagawang mahalin. Tinupad naman ni Wendel ang mga pangako sa pamilya ni Rhoda. Bukod sa pagtubos ng pangangailangan ng pamilya nito, naging tapat si Wendel sa asawa at buong-pusong pinagsilbihan at inalagaan si Rhoda. Hindi tumigil si Wendel hangga’t hindi nakikitaan si Rhoda ng kahit kaunting pagmamahal para sa kanya. Unti-unti ay minahal na rin s’ya ni Rhoda at nabiyayaan sila ng tatlong mabubuting anak.

Walong taon matapos ang masalimuot na paghihiwalay nina Emil at Rhoda, na napalitan na ng walang kasing-sayang pagsasama nina Rhoda at Wendel, nagbalik si Emil. Binulabog nito ang puso, pamilya at buhay ni Rhoda. Akala ni Rhoda ay may nararamdaman pa rin s’ya para kay Emil. Dahil dito, inakala ni Emil ng may pag-asa pang magkabalikan sila ni Rhoda. Pero dahil nanaig ang pagmamahal kay Wendel at sa pamilya, itinaboy ni Rhoda si Emil. Nagningas ito ng pagkamuhi at naging mapaminsala ang pag-ibig ni Emil.

Saan dadalhin si Emil ng ngayo’y nag-aapoy na poot sa hindi nasukliang pag-ibig?

Ano ang magiging kapalit ng pagtanggi ni Rhoda sa noo’y nag-aalab na pag-ibig ni Emil?

Ngayong Sabado, isa na namang kalunos-lunos na kuwentong pag-ibig ang kapupulutan ng aral ng lahat ng nasasaktan at nagmamahal. Itinatampok sina Rafael Rosell, Andrea Torres, Mike Tan, Sue Prado, Abel Estanislao at Jana Trias.

Ang “When Love Becomes Obsession” ay sa ilalim ng direksyon ni Conrado Peru, mula sa panulat ni Senedy Que at pananaliksik ni Loi Nova.

Mapapanood ngayong Sabado, February 13, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.