TV

Magpakailanman presents 'Nang Mawala Ang Lahat'

 

 

Sa mundo nating mapanghusga, saan ka pa ba kukuha ng lakas kung pati mga inaasahan mong aalalay sa 'yo sa oras ng kagipitan ay sila mismo ang mauunang ika’y bibitawan?

Ito ang kuwento ng isang babae na dinapuan ng tinatawag na “Alopecia Universalis”.

Isang rare disease na ang inaatake ay ang ating “Hair Follicles” kaya nalalagas at unti-unting nakakalbo ang mga nagiging biktima nito.

Noong bata sila ay naitataguyod naman ng kanilang mga magulang ang kanilang mga pangangailangan.

Ngunit hindi nawawala ang away sa pagitan ng mag-asawa kaya habang tumatagal nagkakalamat ang pagsasama ng mga magulang ni Gillien na nakaapekto hindi lang sa kanya kundi sa buo nilang pamilya.

Nagkasakit ng malubha na ang kanyang ina habang nasa ibang bansa, pagkauwi dito halos 'di nya na ito makilala dahil sa pagbagsak ng katawan. Ang tatay naman nya iniwan sila at naiwan kay Gillien at sa mga kapatid nito ang pag-aaruga sa ina.

Akala ni Gillien ay iyon lang ang pagsubok na kanyang kakaharapin.

Hindi niya inaasahan na magkakaroon sya ng isang kakaibang karamdaman.

High School noon si Gillien nang mapansin nyang unti-unting nalalagas ang kanyang mga buhok.

Nang magpakunsulta sya, sinabing may isa syang rare disease na kilala sa tawag na “Alopecia”.

Sa pagkakaroon nya ng ganitong karamdaman, nariyang nakatanggap sya ng iba’t ibang pangkukutsya at pag-iwan sa kanya ng minamahal.

Ngunit dahil din sa sakit na ito ay nakakilala sya ng mga tao na mas nakakaintindi at handang tumulong sa kanya para matanggap ito.

Sa ngayon, tanggap na ni Gillien ang sakit na mayroon sya.

Imbes na magpatalo dito ay nagsilbi itong inspirasyon para makamit nya ang mga pangarap nya sa buhay at sa buong pamilya.

Abangan ngayong Sabado si Carla Abellana sa isang natatanging pagganap bilang Gillien, ang babaeng may “Alopecia Universalis”.

Makakasama din sina Rita Avila, TJ Trinidad, Alma Concepcion, Rey Abellana, Menggie Cobarrubias, Ashley Ortega, Rosanna Iringan, Pauline Mendoza, Koreen Medina, Yasser Marta, Franchesca Salcedo, Toby Santillan, Dave Borneo at espesyal na partisipasyon mula kay Abby Assistio.

“Nang Mawala ang Lahat” ay sa ilalim ng mahusay na direksyon ni Bb. Joyce Bernal, mula sa panulat ni Michiko Yamamoto at pananaliksik ni Cynthia Delos Santos.

Alamin kung paano bumangon mula sa isang mapait na karanasan, ngayong Sabado, July 30, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.