TV

Magpakailanman presents 'Mga Sikreto ng Aking Pamilya'

Likas sa ating mga Pilipino ang mapagmahal sa kapwa lalo na sa ating pamilya, Lahat ay gagawin natin para mapanatili lang na buo ang ating sambahayan. Paano kung dahil sa hirap ng buhay ay kailangan kang ilayo ng iyong mga magulang para magkaroon ka lang na magandang kinabukasan? At sa pagbabalik mo naman para muli silang makasama, iba't-ibang sikreto ang mabubunyag sa iyo? 

Ngayong Sabado, sama-sama nating panoorin ang totoong kuwento nila Buboy at Imelda, isang pamilyang may kakaibang kuwento.

Dahil sa hirap ng buhay ay nagkasundo ang mag-asawang Ronald at Imelda na ipaampon si Buboy sa kanyang tiyahin na si Nancy at si Teban sa kanilang lola sa probinsya. Pedicab driver lang kasi si Ronald at hindi na sasapat para sa pag-aaral ng dalawang bata.

Makalipas ang maraming taon bumalik si Buboy para makasama ang kanyang mga magulang at makatulong na rin sa kanila. Hindi na maganda ang samahan nila Ronald at Imelda sa mga panahong ito. Nahuli si Ronald na may ibang babae at hindi nagtagal ay naghiwalay ang dalawa.

Walang kaalam-alam si Buboy na ang girlfriend niya ngayon ay ang dating kabit ni Ronald na dahilan ng pagkasira ng kanilang pamilya. Hanggang sa dumating ang araw ng nagkita ang 3 sa iisang lugar. Kinumpronta ni Buboy ang kanyang tatay tungkol kay April na girlfreind niya at dating kabit ni Ronald.

Namatay si Ronald at nagkaroon ng panibagong asawa si Imelda. Maganda ang unang pakikisama ni Mando, ang bagong asawa ni Imelda pero hindi naglaon ay lumabas ang tunay na kulay nito. Ano pa kaya ang mga lihim na maibubunyag sa pagdating ni Mando sa buhay nila Buboy? Paano kung hindi lang pala ang tatay mo ang may kasalanan para masira ang pamilya ninyo? Paano kung malaki pala ang papel ng step father mo sa pagkasira ng inyong pamilya?

Ngayong sabado, Sept 9, 2017, tunghayan natin sa Magpakailanman ang "LOVE AND LIES"  Itinatampok sina Jak Roberto, Isabelle De Leon, Glydel Mercado, Joko Diaz, Yul Servo, Adrian Pascual at Dentrix Ponce.

Sa ilalim ng mahusay na direksyon ni Neal Del Rosario, mula sa panulat ni Senedy Que at pananaliksik ni Stanley Bryce Pabilona.