TV

Magpakailanman presents 'Ang Batang Biktima ng Sanib'

Paano tatanggapin ng isang magulang kapag ang pinakamamahal nilang anak ay biglang lukuban ng isang demonyo? Ano ang kaya nilang tiisin at handang gawin para maibalik ito sa katinuan?

Tunghayan ngayong Sabado sa Magpakailanman ang kwento ng mag-asawang sina Myrna at Randy, at ng kanilang anak na si Julia, na isang biktima ng sanib.

Mataas ang pangarap nina Myrna at Randy para sa kanilang mga anak, lalo na sa kanilang panganay na si Julia. Matalino ito at palaging nakakasama sa top of the class. Kaya bawat pangangailangan nito ay ibinibigay ng mag-asawa.

Pero isang araw, nagtaka sila na umuwing takot na takot si Julia at gustong magpalipat sa ibang eskwelahan. Kasunod nito, napansin nila na naging tahimik na si Julia at mainitin ang ulo. Hanggang isang araw, nakita na lang nila itong nangingisay at nagtatawag na ng mga demonyo.

Pinayo ng doktor na patingnan sa isang psychiatrist si Julia. Pero hindi naniniwala si Myrna na baliw ang anak. Nagpatuloy ang pagiging bayolente ni Julia at tuluyan na siyang nawala sa katinuan. Kumakain na ito ng kung anu-anong bagay, sinasaktan ang sarili, at tila naging napakalakas. Nagagawa ni Julia na buhatin ang mabibigat na bagay sa loob ng kanilang bahay. At nagpatuloy pa rin ang pag-sigaw at pag-tawag nito sa mga demonyo.

Alam ni Myrna na isang masamang espiritu ang lumulukob sa kanyang anak. Ilang albularyo ang kaniloang pinuntahan para maipagamot si Julia, pero walang makapagpagaling dito. Masakit man sa kalooban, minsan ay kinakailangan na nina Myrna at Randy na igapos ang anak para hindi na ito makapanakit o masaktan ang sarili.

Paano nga ba matatapos nina Myrna at Randy ang paghihirap ng kanilang anak?

Ano pa ang magiging epekto kay Julia at sa kanyang pamilya ng nangyaring pagsanib?

Sa pangunguna nina Jillian Ward, Mickey Ferriols at Epy Quizon, tunghayan ang kuwento ng isang pamilya na hindi sumuko para labanan ang demonyong gumagambala sa kanilang anak at pamilya. Makakasama rin nila sa episode si Leanne Bautista.

“Ang Batang Biktima ng Sanib” ay sa ilalim ng direksyon ni LA Madridejos, mula sa panulat ni Vienuel Ello at pananaliksik ni Loi Argel Nova.

Mapapanood ngayong Sabado, July 7, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman. Sa bago nitong oras, 8:30pm, pagkatapos ng The Clash.