TV

Magpakailanman presents 'Ang Asawang Naging Kabit'

Lumaking nabiyayaan ng kagandahan si Racquel, pero hindi ng pagmamahal ng kanyang ama. Mas pinapaboran nito ang ibang anak at madalas sinasaktan si Racquel. Dahil dito, lumayas si Racquel at naging singer sa isang club sa probinsya. Minsan pang pinagtangkaang gahasain ng isang grupo ng mga kalalakihan si Racquel. Mabuti na lang at may nagtanggol at nagligtas sa kanya, si Benjie.

Si Benjie ay anak ng isang mayamang businessman. Mabilis nahulog ang loob nila sa isa't-isa at naging magkasintahan. 'Di lumaon, isinama ni Benjie si Racquel sa kanilang tahanan at inalok siyang tumira na doon. Pumayag naman agad si Racquel. Tila nakahanap na nga siya ng isang tapat at matinong lalaki.

Pero sa kanyang paglipat, nalaman niyang anak pala si Benjie sa kabit ng tatay nitong si Hilario. Ang legal na pamilya at ang pamilya ng kabit ni Hilario ay magkakasamang naninirahan sa ilalim ng iisang bubong! Tinanggap ni Racquel ang sitwasyon dahil sa pagmamahal niya kay Benjie. Hindi man siya gusto ng nanay ni Benjie na si Nilda, naging malapit naman sa kanya ang legal na asawa ni Hilario na si Helen. Nang mabuntis na si Racquel, unti-unti namang lumabas ang tunay na kulay ni Benjie - na tulad ng tatay nitong si Hilario ay isa rin pala itong babaero.

Dahil sa payo ni Helen at para na rin sa kanyang naging anak, nanatili si Racquel sa pamamahay nina Benjie. Pero hindi niya din natagalan ang sitwasyon at lumayas na siya. Hindi naman ibinigay sa kanya ni Nilda ang kanyang anak. Makalipas ang ilang buwan, nagbalik si Racquel sa kagustuhang muling makapiling ang anak. Hanggang sa nalaman niyang may bago na naman palang inuwing babae si Benjie na kasama nilang maninirahan nina Marlene at Benjie!

Ngayong tatlong babae na silang naghahati sa iisang lalaki, magkakasamang naninirahan sa ilalim ng iisang bubong, patuloy pa nga bang magpapakamartir si Racquel? O mahahanap na niya ang tapang at respeto sa sarili para layasan ang masalimuot na sitwasyon kasama ang kanyang anak?

Sa pangunguna ni Lovi Poe, kasama sina Rafael Rosell, Valeen Montenegro, Jenine Desiderio, Maria Isabel Lopez, Liezel Lopez, Marika Sasaki, Ollie Espino at Marithez Samson, alamin ang kabuuan ng kontorbersyal na kwento ni Racquel ngayong Sabado ng gabi sa Magpakailanman.

Ang 'ANG ASAWANG NAGING KABIT' ay mula sa direksyon ni Adolf Alix Jr., sa panulat ni Vienuel Ello at pananaliksik ni Loi Argel Nova. Mapapanood ngayong Sabado, September 22, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman. Sa bago nitong oras, 8:30pm, pagkatapos ng The Clash.