TV

Magpakailanman presents: ' Kapag Lumingon Ka, Kay Madz Ka: The Amado 'Madz' Aguilar III Story'

Bata pa lamang ay creative na si MADZ. Tuwing naglalaro siya, mga palabas sa TV na ang ginagawa niya, tulad ng mga variety show. Sa murang edad ay alam na rin niyang pusong babae siya. Pinaglabanan naman niya ito. Sinubukang manligaw ng babae. Pero mga artist na lalaki talaga ang kanyang nagugustuhan.

Bunso sa sampung magkakapatid si Madz. At bata pa rin lang siya ay hindi na lihim sa kanya na ampon lang siya ng mga magulang. Mahal naman siya ng kanyang ama at ina, pero pakiramdam ni Madz na parang may kulang pa rin sa pagkatao niya. Na parang kulang pa rin siya sa pagmamahal.

Isang samaan ng loob ang namagitan kila Madz at sa kanyang mga magulang. Dahil dito, hindi dumalo ng college graduation ni Madz ang kanyang mga magulang. Dito naisip ni Madz na hindi talaga siya mahal ng mga ito. Kaya naglayas si Madz.

Kung anu-ano ang raket na pinasok niya para lang mabuhay. Hanggang nabalitaan niyang namatay na pala ang kanyang ama. Sising-sisi si Madz na hindi siya nakahingi ng tawad sa ama noong nabubuhay pa.

Matapos mamatay ang ama ay lumuwas ng Maynila si Madz para makipagsalaparan. Dahil tapos ng Development Communication, sa mga TV network nag-apply si Madz, pero laging walang bakante. Kaya nang may mag-alok na station kay Madz para magtraining kahit walang sahod ay tinanggap niya ito. Isang taon nagtrabaho doon si Madz kahit walang sweldo. Tiniis lahat ni Madz kahit masungitan pa siya ng superior niya, ang iniisip na lang niya ay ang mga natutunan niya sa training. Nang hindi ma-absorb si Madz ay nagdesisyon siyang umuwi na lang ng probinsiya. Doon naman nagkataon na tinawagan siya ng isang show para alukin ng trabaho na sa pagkakataong ito ay may sweldo na. Agad na tinanggap ito ni Madz at dahil sa angkin niyang tiyaga, talento at kasipagan ay sunod-sunod ang nagiging shows niya at promotion. Agad na umasenso ang buhay ni Madz.

Noon naman unang kumatok ang pag-ibig sa buhay ni Madz. Isang binatilyo ang kanyang nakilala. Pero nabulagan sa pag-ibig si Madz. Hindi niya nakita na pera lang ang habol sa kanya ng lalaki. Halos suportahan niya pati pamilya ni Mark. Hanggang nabisto niyang may asawa na pala ito at anak. Sa sobrang sakit at pagkabigo ni Madz ay nagtangka siyang magpakamatay.

Mula noon ay umiwas na sa lalaki Madz. Takot na siyang masaktan. Hanggang dumating sa buhay niya si Dave. Kakaiba si Dave sa mga lalaking nakilala niya. Hindi raw ito mukhang pera. Hindi rin siya nito kinakahiya at pinakilala pa sa pamilya. Sinasama pa siya sa pagsisimba. Kaya muli, nahulog ang loob at umibig ulit si Madz. Ipinakilala rin niya ito sa ina. Pero pinangaralan si Madz ng kanyang ina, lalo at nakikita nitong halos kay Dave na napupunta ang pinaghihirapan ni Madz. Hindi naman raw kasi nanghihingi ng pera ang lalaki at dahil sa pagmamahal ay kusang binibigay ni Madz ang pangangailangan ni Dave. Hanggang muling nabigo si Madz. Nalaman niyang nakabuntis ng babae si Dave.

Muling gumuho ang mundo ni Madz. Iniwasan niya si Dave pero nang manganganak na ang babae nito ay muling lumapit sa kanya si Dave para humingi ng tulong. Dahil sa mahal pa rin ang lalaki, si Madz pa ang gumastos sa panganganak ng babae. Dahil dito, nakasundo na rin niya ang babae. Naging malapit din si Madz sa kanilang anak. Lagi pa rin siyang dumadalaw kila Dave. Pero siniguro ni Madz na wala ng namamagitan sa kanila. Kahit nasasaktan sa nakikita, tiniis pa rin ito ni Madz. Hanggang malaman niyang ikakasal na ang dalawa. Noon natauhan si Madz at tuluyan ng lumayo sa kanila.

Kasabay nito dinapuan ng malubhang sakit si Madz, isang neurological disease, Transverse Myelitis, ang tumama sa kanya. Isa itong kondisyon na ang naapektuhan ay ang spinal cord kung saan animo navirus ang spinal column mo at nawawalan ng oxygen. Ang resulta nito nabaldado ang pang-ibang bahagi ng katawan ni Madz mula bewang. Nawalan rin sya ng kontrol sa kanyang bowel movement. Naratay siya sa ospital ng ilang buwan at dito naubos ang konti niyang pera. Labis na hinanakit ang naramdaman niya sa sarili dahil ng dumating ang trahedya ay ni wala siyang nadukot na anumang halaga. Nasumbatan siya ng kanyang nanay at kapatid dahil ni hindi man lang sumilip ang lalaking inubusan niya ng pera sa buong panahon na may sakit siya.

Muling nakabawi at gumaling si Madz. He will find a second chance with his career sa GMA7. Nakakuha siya ng trabaho bilang stillman sa drama group ng entertainment. Dito naisipan niyang gumawa ng isang social media page kung saan nagsu-shoot siya ng mga prank segment na pa-cute at kanya itong in-a-upload. Unti-unting dumami ang kanyang followers at isa sa mga post niyang “Pag lumingon ka, kay Madz ka” ang nag-viral at sumikat. Sa ngayon ay may mahigit 2 Million views at likes ang kanyang post.

Ngayong Sabado October 13,2018, ating tunghayan ang totoong kwento sa likod ng viral video na “Kapag Lumingon Ka, Kay Madz Ka.”

Sa natatanging pagganap nin Mark Herras bilang Dave, Sef Cadayona bilang Madz, Melissa Mendez bilang Miding, Toby Alejar bilang Amado, Ervic Vijandre bilang Mark, Shermaine Santiago bilang Ate Louie, Kiel Rodriguez bilang Kuya Al, Nikki Co bilang Glen at Jenzel Angeles bilang Faith

Sa direksyo ni Conrado Peru, sa panulat ni Vien Ello at pananaliksik ni Rodney Junio.