TV

Magpakailanman presents 'Arrest My Son's Rapist'

Kaligtasan at katuparan ng mga pangarap ng anak, iyan ang pangarap ng lahat ng mga magulang. Kaya dahil sa hirap, napilitang mangibang bansa para magtrabaho si Thelma. Iniwan niya sa pangangalaga ng kanyang asawang si Luis ang dalawang bata pa niya noong anak na sina Cris at Tintin.

Gelli de Belen

Matapos ang ilang taon at may kaunti ng naipon, nagdesisyon na si Thelma na umuwi ng Pilipinas at manatili na dito. Lumipat sila para tumira sa isang isla. Inakala ni Thelma na sa islang ito, makakapagsimula sila ng isang tahimik na buhay.

Pero kabaliktaran ang nangyari sa isla, kadarating pa lamang nila ay nagkatoon na agad sila ng problema. Ang panganay niya kasing anak na si Cris na noon ay teenager na, ay nagsimula ng magrebelde sa kanya. Pakiramdam kasi ni Cris ay inabandona sila ng ina at pinabayaan noong nasa ibang bansa ito. Pero ginawa ni Thelma ang lahat upang mapalapit muli ang loob sa kanya ng anak.

Hanggang pumasok sa eksena si Jacob, isang tagong bading at malayong kamag-anak ni Thelma. Nalaman din ni Thelma na isang teacher na si Jacob kung saan nagtuturo ito sa eskwelahan na pinag-aaralan naman si Cris. Sa simula pa lang ay kinagiliwan na ni Jacob si Cris. Kaya't ipnagkatiwala na rin ni Thelma kay Jacob si Cris sa eskwelahan.

Nang magkasakit ng dengue si Cris ay si Sir Jacob din ang tumulong para masalinan ng dugo si Cris. Si Sir Jacob din ang gumawa ng paraan para magkabati ang mag-ina. Dahil dito malaki ang naging utang na loob ni Thelma kay Sir Jacob. Lalong lumaki ang pagtitiwala niya dito. Hinahayaan na niya si Cris na magpagabi sa labas kung ang kasama naman nito ay si Sir Jacob.

Isang gabi sa bahay ni Sir Jacob ay akmang uuwi na si Cris matapos makigamit ng computer nito para magresearch. Ngunit pinigilan siya ni Sir Jacob at inalok na maglaro na muna ito ng computer games. Tuwang maglalaro naman si Cris. Lingid sa kaalaman niya na may iba na palang naglalaro sa isip ni Sir Jacob. Hanggang bigla na lamang itong lumuhod at sumubsob sa pagitan ng hita ni Cris. Gulat si Cris ng simulan na siyang molestiyahin ni Sir Jacob.

Kinabukasan, si Thelma naman ang gulat sa pagbabago na naman ng ugali ng anak. Ayaw na nitong pumasok sa eskwela. At kung pumasok man lagi na itong nasasangkot sa gulo. Napapabayaan na rin niya ang pag-aaral.

Nang kausapin naman ni Thelma si Sir Jacob ay nagdahilan na lang ang titser na maaaring nagkakagusto na sa babae si Cris kaya nawawala na ang atensyon sa pag-aaral.

Ngunit nang makita ni Sir Jacob na may kasama na ngang babae si Cris ay agad itong nagselos. Pinagbawalan pa si Cris na makipagkita dito. Inalok din ni Sir Jacob si Cris na sumama sa kanya sa Maynila. Handa raw ibigay ni sir Jacob ang lahat kay Cris sumama lang ito sa kanya.

Pero tumanggi si Cris at may pandidiri at galit na sinabihan si Sir Jacob na huwag na itong lalapit sa kanya kahit kelan. Kung hindi, isusumbong na raw niya ito sa kanyang mga magulang. Pero hindi magpapadala sa takot si Sir Jacob, pagbabantaan pa nito si Cris na kapag nagsumbong ito, may mangyayaring masama kay Cris at sa pamilya nito.

Dahil dito, inilihim na lang muli ni Cris ang pang-aabuso sa kanya ng guro.

Hanggang isang araw nang pumasok si Cris at maabutan niyang nagkakagulo at pinagtitsismisan siya ng mga kaklase. Doon niya nalaman na may nagpost pala sa internet ng video niya kasama ang isang naka-blur na lalaki, habang may ginagawa silang isang sexual activity.

Hiyang-hiya si Cris at lalong natakot na ipagtapat kung ano ang totoo sa likod ng video na iyon.

Hanggang isang lalaking estudyante ang nag-iwan ng note sa isang guro na nagsasabing ginahasa ito ng isang teacher - walang iba kundi si Sir Jacob. Dito na nagkalakas ng loob si Cris na magsumbong na rin.

Sa isang pribadong pagpupulong, kasama si Thelma at iba pang mga magulang at lalaking anak nila - dito natuklasan ni Thelma na ang anak niya ay isang biktima rin ng rape. Abot sa langit ang galit ni Thelma ng malaman niya na ang taong pinagkatiwalaan niya ay ang tao ding nagwasak sa pangarap niya para sa anak.

Pinangunahan ni Thelma ang mga magulang sa pagsasampa ng kaso laban kay Sir Jacob. Ngunit sa araw ng pagdakip dito ay nakatakas na pala at hindi na muling nakita pa ang manyak na guro.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang paghahanap ni Thelma ng katarungan para sa anak. Sa tulong at suporta na rin ng ina ay unti-unti ng nakakarecover si Cris sa naging trauma niya.

Ang kontrobersyal na pagtatanghal na ito ng Magpakailanman na may titulong “Arrest My Son's Rapist” ay kinatatampukan nina GELI DE BELEN bilang Thelma, WILL ASHLEY bilang Cris, LUCHO AYALA bilang Jacob, DON UMALI bilang Luis at SOFIA PABLO bilang si Dhine. Sa mahusay na direksyon ni NEAL DEL ROSARIO, sinaliksik ni KAREN LUSTICA at sinulat ni VIENUEL ELLO.