TV

Magpakailanman presents 'Male Sex Slave sa Saudi'

Masunuring bata si Jim. Nagmana siya sa kanyang amang si Mang Ador na sa labis ding pagkamasunurin sa asawang si Nanay Alma ay napapagkamalan itong 'ander de saya'. Mahirap lamang ang kanilang pamilya kaya sumubok mangibang bansa si Mang Ador ngunit naloko lamang siya ng recruiter nito. Lalo silang naghirap at nagkabaon-baon sa utang.

Hanggang makabuntis at mapangasawa ni Jim si Nes. Halos magdoble-kayod si Jim para matustusan ang pamilya pero kulang pa rin ang kanyang kinikita. Isang kaibigan ang nag-alok kay Jim na magtrabaho sa Saudi. Sa una ay nagdadalawang-isip si Jim lalo na at hindi sang-ayon dito ang nadala nang ama. Pero dahil sa kahirapan ay susugal si Jim.

Ngunit ang kapalaran ng ama ay siya ding magiging tadhana ni Jim. Maloloko din si Jim ng kanilang agency. Iba ang trabahong madadatnan nila sa Saudi bukod sa mas mababang sahod nilang matatanggap, malayong-malayo sa pinirmahan nilang kontrata.

Pero magtitiis si Jim dahil ayaw niyang muling mabigo ang ama. Pero sa malas ay magsasara agad ang kumpanyang pinagtatrabahuhan ni Jim. Dahil dito mapipilitan si Jim na bumalik ng Pilipinas.

Ngunit magkakasakit ang isa sa anak ni Jim kaya kahit delikado, magdedesisyon si Jim na bumalik pa rin sa Saudi. Pipilitin ni Jim na makahanap ng trabaho bago mapaso ang kanyang visa. Pero hanggang mawalang-bisa na ito ay hindi magkakatrabaho si Jim.

Dahil dito halos magpaalipin na rin si Jim sa mga kababayan niya sa kanilang paupahang tinitirahan sa Saudi para mayroon lamang siyang makain. Ililihim niya ang lahat ng ito sa kanyang pamilya sa Pilipinas.

Pero makakarating ang pagiging TNT ni Jim sa Saudi sa may-ari ng paupahan na si MADAM SADEEM - isang mayamang Arabyana, masungit at matandang dalaga. At dahil may pagkakautang si Jim sa upa, ay aalukin siya ng Arabyana na mukhang may gusto kay Jim. Bilang kabayaran sa utang, sumama raw si Jim na tumira sa bahay ni Madam Sadeem. Kung tatanggi raw si Jim ay isusuplong siya ni Madam Sadeem sa pulis para makulong.

Kapit sa patalim, pilit sisikmurain ni Jim na ipangbayad ang kanyang katawan. Pero noon matutuklasan ni Jim na may pagkamahilig pala sa kamay si Madam Sadeem. Magiging sex slave ng Arabyana si Jim.

Hanggang makalipas ang isang taon, makikita ni Nes ang dating kasamahan ni Jim sa Saudi. Dito malalaman ni Nes na may kinakasamang Arabyana si Jim sa Saudi. Agad iisipin ni Nes na babae ito ng kanyang asawa. Iiwan ni Nes si Jim dala ang mga anak nila.

Dahil dito, hindi na matitiis ni Jim ang pang-aabuso sa kanya ni Madam Sadeem. Isang gabi, matapos pagurin ni Jim ang arabyana sa kama, ay tatakasan niya ito dala ang kanyang passport. Agad dederetso at hihingi ng tulong si Jim sa Philippine embassy na siyang magpapauwi naman sa kanya sa Pilipinas.

Pagkauwi ng bansa ay agad namang hihingi ng tawad at magpapaliwanag si Jim sa kanyang asawa. Patatawarin kaya siya ng kanyang pamilya? Panoorin ngayong Sabado.

Ang isa na namang kontroberyal na pagtatanghal na ito ng Magpakailanman ay kinatatampukan nila JERIC GONZALES bilang Jim, DENISE BARBACENA, bilang si Nes, SUE PRADO bilang Madam Sadeem, JUAN RODRIGO bilang Tatay Ador, GERALDINE VILLAMIL bilang Nanay Alma, JOAQUIN MANANSALA bilang Ronald, RAUL RUSSO bilang Obet, BRYAN DEL ROSARIO bilang Ronald, at JULIUS MIGUEL bilang si James. Sa mahusay na direksyon ni DON MICHAEL PEREZ, pananaliksik ni STANLEY PABILONA at panulat ni VIENUEL ELLO.