TV

Magpakailanman presents 'Nagmahal, Nasaktan, Pinagsamantalahan'

Ano ang handa mong gawin para sa iyong pamilya? Magtrabaho? Magsakripisyo? Kumapit sa patalim kung kinakailangan?

Bumagsak ang kabuhayan ng pamilya ni Grace matapos masunog ang karinderya nila at iwan siya ng kanyang asawa. Mag-isa na lamang niyang tinustusan ang pangangailangan ng kanyang anak at hindi na muling nakapagtrabaho ang mga magulang niya. Dahil hindi nakatapos ng pag-aaral, nahirapang kumuha ng marangal na trabaho si Grace. Inakala n'yang sinwerte na siya nang mag-offer sa kanya ng trabaho ang isang kaibigan. Pero ang inaakala niyang simpleng pag-eentertain sa foreigners na sinabi nito, pagbebenta pala ng katawan sa mga preso!

Dahil sa kagustuhang makatulong sa pamilya at makapagtustos sa anak, pikit-mata itong tinanggap ni Grace, lalo pa't pinagbantaan ng isang pinuno ng mga preso ang kanyang buhay. Ang mga tulad ni Grace ang binansagan noong 'tilapia' ng bilangguan.

Tuluyan pa s'yang nasukol sa mapait na sitwasyon nang utusan siya ng kliyente niya bilang bantay sa mga transakyon nito sa pagbebenta ng ilegal na droga sa labas ng bilangguan.

Hindi nagtagal, natakasan ni Grace ang buhay na iyon matapos siyang makahanap ng trabaho sa ibang bansa bilang isang saleslady. Pero hindi pa pala doon natatapos ang problema niya. Dahil magiging biktima pala si Grace ng human trafficking at pagbebenta pa rin ng katawan ang kahahantungan niya! 'Tilapia' na nga siya sa Pilipinas, 'tilapia' pa rin pala ang kababagsakan niya sa ibang bansa!

Kailangan nga ba makakalaya si Grace sa masalimuot na sitwasyon? Patuloy ba niyang lalanguyin ang isang karagatan na puno ng mga mapang-abuso at mapagsamantala para lang makapagtustos sa kanyang pamilya?

Sa kauna-unahang pagbibida ni Liezel Lopez sa Magpakailanman, tunghayan ngayong Sabado kung ano pang mga pagsubok ang pagdadaanan ng ginagampanan niyang papel bilang si Grace at paano siya babangon mula sa mapait na karanasan. Makakasama din niya sina Marco Alcaraz, Gilleth Sandico, Mia Pangyarihan, Mike Lloren, at Mela Habijan.

Ang episode na pinamagatang “Nagmahal, Nasaktan, Pinagsamantalahan” ay sa ilalim ng direksyon ni Gil Tejada, Jr., mula sa panulat ni Vienuel Ello at pananaliksik ni Loi Nova. Mapapanood ngayong Sabado, August 10, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman.