TV

Magpakailanman presents 'Ang Babaeng Binulag ng Pag-Ibig'

Bata pa lang si LENI ay mulat na siya sa katotohanan. Pangalawa sa pitong magkakapatid, hirap ang mga magulang nila para buhayin sila. Kaya naman maaga siyang namasukan bilang katulong hanggang magkaroon siya ng pagkakataong makapagtrabaho bilang saleslady sa Maynila.

Dito niya nakilala ang unang lalaking minahal niya. Dahil bulag sa pag-ibig, ibinigay niya sa lalaki ang kanyang buong sarili. Hanggang sa mabuntis siya. Ipagtatapat na sana ni Leni sa kasintahan ang kanyang kalagayan nang malaman niyang nakipagbalikan na pala ang lalaki sa dati nitong karelasyon.

Bigo, itinago ni Leni ang sinapit maging sa kanyang mga magulang. Pinagtapat niya lang ang lahat kay OBET -ang baklang kaibigan na kanyang sobrang pinagkakatiwalaan.

Mas lumaki ang problema ni Leni nang malaman niyang mahigpit na pinagbabawal sa kanyang trabaho ang pagiging buntis. Upang hindi matanggal sa trabaho, tinangka ni Leni na ipalaglag ang batang dinadala. Pero agad din siyang nakunsensiya at itinigil ang pag-inom ng halamang gamot.

Pero sa araw ng kanyang panganganak, bunga na rin ng epekto ng pagpapalaglag, nalagay sa alanganin ang buhay ng sanggol. Lumabas itong walang buhay, ngunit agad ding nailigtas.

Inuwi ni Leni sa mga magulang sa kanilang probinsiya ang anak. Inihabilin niya ito sa ama at ina para makapagtrabahong muli. Sabay ng pangakong hinding-hindi na siya papalokong muli sa mga lalaki.

Pero makalipas lamang ng dalawang taong pagtatrabaho para sa anak, isa na namang lalaki, sa katauhan ni CARL - isang security guard na kasamahan niya sa department store - ang muling kumatok sa puso niya. Sa una ay panay ang iwas niya kay Carl. Pero dahil makulit si Carl at nalaman ni Leni na mabait, responsable itong tao na handa tanggapin ang nakaraan at anak niya, nahulog na rin ang loob niya kay Carl.

Sa simula ay perpekto naman ang kanilang relasyon. Wala ng mahihiling pa si Leni. Hanggang nararamdaman niya parang nawawalan na ng oras sa kanya si Carl. Hanggang mabisto niya ang dahilan. Na may iba na palang kinakasama si Carl - sa pagkakataong ito, isa namang binabae na si BADETTE.

Agad na nakipaghiwalay si Leni kay Carl. May kaibigan din daw siyang bakla at alam niya at nauunawaan ang pakiramdam ng mga ito. Hindi niya kayang makasakit ng damdamin ng bading. Pero mapilit si Carl, handa raw niyang iwan ang bakla para kay Leni.

Hanggang mabalitaan ni Leni na dalawang ulit na pala siyang pinupuntahan sa trabaho at pinagtatanong ni Badette. Hindi naman natakot si Leni sa pagkakaalam niyang mabait ang mga bakla.

Hanggang sa humarap na sa kanya si Badette na nais siyang makausap. Pinagbigyan naman ito ni Leni at nag-usap sila sa pinto malapit sa emergency exit.

Sa kanilang pag-uusap ay umiyak kay Leni si Badette. Naaawa at nakukonsensiya, niyakap at humingi rin ng paumanhin si Leni kay Badette. Uuwi na raw sa probinsiya si Badette at nakipagkita lang para ibigay kay Leni ang mga naiwang gamit ni Carl.

Pero nang bumalik si Leni para kunin sana ang mga gamit, isang kemikal ang bigla na lang binuhos ni Badette sa kanya. Tumama ito sa mata ni Leni na nagresulta ng kakaibang sakit at hapdi kung saan 'di siya makamulat. Habang tinutulungan siya ng mga kasamahan ay agad namang tumakas si Badette.

Agad dinala sa ospital si Leni para mabigyan ng pangunang lunas. Pagkatapos ay nagsadya sila sa pulisya para magsampa ng pormal na kaso. Nakipagtulungan naman si Carl sa kinaroroonan ni Badette kaya maagap din itong nadakip at nakulong.

Pagkatapos ng maraming check-up sa espesyalista ay ipinagtapat na ng doktor na hindi na muling makakakita si Leni. Windang si Leni.

Pagkalipas pa ng ilang araw ay saka pa lang dumalaw si Carl kay Leni. Pero huli na ang lahat. Tuluyan nang nakipaghiwalay si Leni kay Carl. Kung kelan nabulag si Leni ay saka siya namulat sa katotohanan, na hindi na muli siya mabubulag ng pag-ibig.

Ang kontroberyal na pagtatanghal na ito ng Magpakailanman na pinamagatang 'Ang Babaeng Binulag ng Pag-ibig' ay kinatatampukan nina Sanya Lopez as Leny, Jon Lucas as Carl, Nar Cabico as Badette, Geraldine Villamil as Mama Reng, Gino Ilustre as Papa Rick at Tenten "Kendoll" Mendoza as Obet.

Sa direksyon ni Conrado Peru, panulat ni Vien Ello at pananaliksik ni Cynthia De los Santos.