TV

Magpakailanman presents 'Langit Ka, Lupa Ako'

Isang tipikal na Pinoy si MENCIO na nagmula sa isang mahirap na pamilya. Bata pa lang ay naging ulilang lubos na siya. Sa kanyang pinagtatrabahunang pabrika ay itinuring na siyang parang tunay na kaanak ng may-ari nito - ang Chinese na si MR. MANUEL TAN. Ngunit ang asawa nitong si MADAM LINDA TAN ay hind gusto si Mencio sa simula pa lang - dahil lang sa simpleng dahilan, sang-ayon kasi siya sa kanyang fortune teller na magdadala si Manuel ng bad luck sa kanilang pamilya.

Isang araw sa pabrika ay may nakilala si Mencio na magandang dalaga na inakala niyang baguhang manggagawa. Agad itong niligawan ni Mencio. Pero gulat siya nang malamang ang dalaga pala ay si KIM TAN - ang kaisa-isang babaeng anak ng kanyang amo.

Sa kabila nito, tinuloy ni Mencio ang panunuyo kay Kim, hanggang sagutin na siya ni Kim at sila'y naging magkasintahan. Nilihim nila ang kanilang relasyon sa mga magulang ni Kim at laging patago kung sila ay magkita. Hanggang magdesisyon si Kim na ipagtatapat na niya ang kanilang relasyon sa kanyang mga magulang. Natuwa si Mencio.

Pero ng gabing akala ni Mencio ay ipakikilala na siya, iba ang lalaking pinakilala nina Mr. at Mrs. Tan sa madla - isang mayaman at negosyanteng Chinese din na si CHARLIE CHIU.

Sobrang nasaktan si Mencio. Ipinaliwanag ni Kim na wala siyang magagawa dahil isa ang 'Arranged Marriage' sa kanilang tradisyon. Pero si Mencio raw talaga ang mahal niya. Para patunayan ito ay hahalikan ni Kim si Mencio. Lingid sa kanila, kanina pa pala naroon si Mrs. Tan. Galit na galit na paghihiwalayin niya ang dalawa at sisisantihin pa si Mencio para tuluyang malayo sa anak.

Lalong mamadaliin ang kasal ni Kim at Charlie. Pero tatakas si Kim at sasamang magtanan kay Mencio. Titira sila sa isang malayong probinsiya. Bagama't makakaranas ng hirap si Kim ay masaya siya at kontento sa piling ni Mencio.

Hanggang dumating ang ika-18 kaarawan ni Kim kung saan pinaghanda siya ni Mencio. Perpekto na sana ang lahat, nang biglang dumating ang galit na galit na mag-asawang Tan. Halos kaladkarin nila si Kim para i-uwi sa bahay pero mamagitan si Mencio. Dito na lang magagalit sina Mr. at Mrs. Tan. Ipapabugbog nila si Mencio na halos mag-agaw buhay na. Hindi makakaya ni Kim na makitang nasasaktan ang mahal niya kaya sasabihin niya sa magulang na payag na siyang pakasal kay Charlie, pakawalan lang nila si Mencio.

Sa pagkakataong ito tuluyan na kayang isusuko nila Kim at Mencio ang kanilang pag-ibig. O magagawa nilang paglapitin ang langit at lupa, maisakatuparan lang ang kanilang pagmamahal?

Ang espesyal na pagtatanghal na ito ng MAGPAKAILANMAN na pinamagatang “LANGIT KA, LUPA AKO, ay ipalalabas ngayong darating na ika-9 ng Nobyembre. Ito at tinatampukan nina MARK HERRAS bilang si Mencio at NICOLE DONESA bilang si Kim. Kasama nilang nagsiganap sina TERESA LOYZAGA bilang Linda Tan, JONG CUENCO bilang MANUEL TAN, LEO RODRIGUEZ bilang si Narcing, KEVIN SAGRA bilang si Charlie at ALCHRIS GALURA bilang Empoy. Sa direksyon ni ZIG DULAY, pananaliksik ni RODNEY JUNIO at panulat ni VIENUEL ELLO.