TV

Magpakailanman presents 'A Mother's Faith (The Elizabeth Yncierto Story)'

Ang taong may lubos na tiwala sa Diyos ay laging magtatagumpay. Pero paano kung sunod-sunod na pagsubok naman ang danasin ng isang tao; kaya pa rin kaya niyang manalig sa mga himalang magagawa ng Diyos?!

Ngayong Sabado, panoorin natin ang pre-Lenten special at napapanahong kuwento ni Beth, isang ina na nakaranas ng iba't ibang pagsubok sa buhay pero lalong naging matibay sa kanyang pananampalataya!

Isang deboto si Beth at lagi siyang nakikiisa sa iba't ibang gawain sa kanilang simbahan. Nakatakda na sana siyang ikasal kay Gerry pero nakipaghiwalay siya dito nang malaman niyang may nauna na pala itong pamilya. Pumunta siya sa Maynila at isinama ang kanyang mga anak na sina Philline at JP.

Pagkalipas ng ilang taon, muling umibig si Beth at nakipisan kay Randy. Nagkaroon pa siya ng dalawang anak na lalake. Pero hiniwalayan niya rin si Randy dahil naging iresponsable ito. Ipinasa-Diyos ni Beth ang lahat at nagpasya siya na mag-isang buhayin ang apat niyang mga anak.

Pero sa pagdaan ng mga taon, iba't ibang pagsubok ang dinanas ni Beth at ng kanyang pamilya. Isa na rito ay ang hindi pagkakaroon ng anak ni Philline at pagkakaroon naman ng cancer ni JP! Halos panawan na ng pag-asa ang kanilang pamilya! Paano nga kaya bilang isang ina, pangungunahan ni Beth na magtiwala pa rin sa Diyos ang kanyang mga anak? Gayong pati pananampalataya niya ay tila lumalamlam na? Matupad kaya ang mga ipinagpapanata nina Beth at magkaron nga ng himala sa buhay nila? O tuluyan silang mawawalan ng pag-asa sa Diyos?

Ngayong Sabado, Pebrero 22, tunghayan natin sa Magpakailanman ang “A Mother's Faith, the Elizabeth Yncierto story”. Itinatampok sina Glydel Mercado bilang Beth, Don Umali bilang Gerry, Jenzel Angeles bilang Philline, Allen Ansay bilang JP at Abdul Raman bilang Elly.

Sa ilalim ng mahusay na direksyon ni Neal Del Rosario, mula sa pananaliksik at panulat ni Karen P. Lustica.