TV

Jak Roberto, gaganap bilang DJ Loonyo sa '#MPK'

By Marah Ruiz

Isa na namang viral internet personality ang gagampanan ni Kapuso actor Jak Roberto sa weekly real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman.

Tampok siya sa kuwento ng buhay ng viral dancer at choreographer na si DJ Loonyo o Rhemuel Lunio sa tunay na buhay.

Ito rin ang unang fresh episode ng #MPK ngayong quarantine.

Sa isang panayam sa piling miyembro ng media, kasama ang GMANetwork.com, ikinuwento ni Jak na ikinagulat niyang siya ang napili para gumanap dito.

"Noong una, nagtaka din po ako kung bakit ako. Sabi ko hindi naman po ako masyadong sumsayaw kagaya ni DJ Loonyo. Sabi nila, 'Oh pa-humble ka pa. Nakikita namin sa mga TikTok mo sumasayaw ka naman.' 'Di nila alam mga 100 takes lahat 'yun bawat isa bago ma-post kaya na perfect," natatawang kuwento ni Jak.

Bilang paghahanda sa role, pinanood daw niya ang ilang videos ni DJ Loonyo para makuha ang mga kilos at mannerisms nito.

"Pinanood ko lang lahat ng vlogs niya saka 'yung mga interview niya, 'yung kung paano siya magturo ng sayaw saka 'yung paano siya maglakad. Sabi ko ang ie-effort ko na lang 'yung boses kasi doon kami hindi magkaparehas, sa boses niya. Saka sa sayaw siyempre," paliwanag ni Jak.

Matapos daw niyang gumanap sa life story nito, humanga daw siya kay DJ Loonyo.

"'Yung personality niya is very positive sa lahat ng bagay. 'Yung una, alam naman natin 'yung pagiging dancer sobrang struggle niyan sa umpisa. Raket raket lang siya. Naka-mindset siya na magiging successful na dancer ako. Hanggang sa ayun nga naging successful na dancer siya. Nag-risk siya pumunta ng ibang bansa," aniya.

Inspirasyon daw sa kanya and determinasyon nito.

"Bilib ako sa pagiging determinado niya sa lahat ng bagay. 'Yung pagiging driven and kung paano din niya hinarap lahat ng pagsubok sa buhay niya. Galing!" pahayag niya.

Bukod kay Jak, bahagi rin ng episode sina Lovely Rivero, Jong Cuenco, at Liezel Lopez.

Si Zig Dulay naman ang nagsilbing direktor ng episode.

Abangan ang brand new episode tampok ang buhay ni DJ Loonyo ngayong Sabado, July 18, 8:00 pm sa #MPK.