TV

Sanya Lopez, nais ibahagi ang nakakakilabot na episode ng '#MPK'

By Marah Ruiz

Inilarawan ni Kapuso actress Sanya Lopez bilang "nakakakilabot" ang bagong episode ng real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman na mapapanood ngayong parating na Sabado.

Siya kasi ang bibida sa erotic horror episode na pinamagatang "Halimaw sa Kama" na special Halloween presentation ng #MPK.



"Ako po dito si Mayet. Ang kuwento po nito ay tungkol sa isang babae na biktima ng isang incubus or masamang elemento na hina-harass ang isang babae habang natutulog siya. Mismong ako, hindi ako makapaniwala. Talaga bang nangyayari ito?" bahagi ni Sanya sa Kapuso Brigade Zoomustahan na ginanap noong October 29.

Hindi naman daw matatakutin si Sanya kaya wala siyang naging problema sa paggawa ng episode.

"Though marami na 'kong mga kaibigan na nagkukuwento sa akin, mga kamag-anak na nagkukuwento sa akin ng mga nakakatakot, ako 'yung tipong hangga't hindi ko siya nakikita, hindi ako naniniwala. Hangga't hindi ko siya na-experience nang ako mismo, hindi ako naniniwala. Parang 'yung ginagawa ko ito, nakikiramdam din ako," kuwento niya.

Gayumpaman, nakakailabot pa rin daw para sa kanya ang episode at nais niyang ibahagi ito sa mga manonood.

"Abangan niyo 'yung mangyayari dito sa Magpakailanman na talagang nakakakilabot. Hindi natin alam na talagang totoong nangyayari ito sa buhay natin. Abangan ninyo kung paano ba malalagpasan ito ni Mayet, itong pagsubok na nangyayari sa kanya. Talagang ginugulo siya at ginagamalba siya nitong halimaw na sinasabi niya gabi gabi," ani Sanya.

Bukod kay Sanya, tampok din sa episode si Pancho Magno, Angeli Bayani at Mon Confiado.

Huwag palamapsin ang brand new episode at Halloween special na pinamagatang "Halimaw sa Kama," ngayong Sabado, October 31, 8:15 pm sa '#MPK.'