TV

Sanya Lopez, pinuri ang '#MPK' co-star na si Mon Confiado

By Marah Ruiz

Aminado si Kapuso actress Sanya Lopez na nakaramdam siya ng pressure sa pagganap niya sa brand new episode ng real-life drama anthology na #MPK o Magpakailanman.

Gaganap si Sanya bilang isang babaeng ginagambala ng isang incubus gabi-gabi.

Nakatrabaho kasi niya rito ang award-winning actors na sina Angeli Bayani at Mon Confiado.

Sinikap daw niyang pagbutihin ang pag-arte para makasabay sa dalawa.

"Napakahusay. Actually si Ms. Angeli, kakapanalo pa lang [niya] ng best actress sa isang international awards. Of course, nakaka-pressure. Sabi ko kailangan kong pagbutihin kasi napakagaling ni Ms. Angeli," kuwento ni Sanya sa Kapuso Brigade Zoomustahan na ginanap noong October 29.

Naiuwi ni Angeli kamakailan ang Best Drama Actress award sa Asian Academy Creative Awards para sa pagganap niya sa "Island of Dreams," ang unang episode ng eight-part drama antholgy Food Lore ng HBO Asia.

Samantala, pinuri naman ni Sanya si Mon dahil sa pagiging maingat nito sa mga eksena nila.

"Si Kuya Mon Confiado sobrang okay din. Alam niya kung paano niya ako iingatan. Sabi niya sa akin, 'Sanya, sabihin mo lang sa akin kung may mga bagay na hindi mo gusto or bawal sa 'yo. Kaya kong mag-adjust para sa 'yo.' Ako naman sabi ko, 'Hindi po. Wala naman pong problema. Hayaan n'yo po, magsasalita po ako kapag hindi na po puwede.' Okay naman sila doon," bahagi ni Sanya.

Masaya din si Sanya na muling makatrabaho si Kapuso actor Pancho Magno na minsan na niyang nakasama sa GMA Afternoon Prime series Haplos, at makakasama niya muli sa upcoming GMA Telebabad series na First Yaya.

"Si Pancho [na]kasma ko rin po siya. Siya ay gaganap bilang aking asawa. Ang role naman niya dito ay paano niya kaya iintindihin 'yung asawa niya na may ganitong pinagdadaanan," aniya.

Panoorin sila sa brand new episode at Halloween special na pinamagatang "Halimaw sa Kama" ngayong Sabado, October 31, 8:15 P.M. sa #MPK.