
Game na kumasa sa audition challenge ng morning show na Unang Hirit ang bagong Gen Z barkada ng MAKA na sina Zephanie, Dylan Menor, John Clifford, Sean Lucas, at May Ann Basa.
Sa audition challenge, isa-isang ipinakita ng young cast ang kanilang mga talento. Unang kumasa sa hamon ang singer-actress na si Zephanie kung saan ipinarinig niya ang sariling version ng "Patuloy Ang Pangarap," na maririnig din sa teen show.
Pinakilig naman ni Dylan ang lahat nang kantahin ang "We Could Happen." Habang umindak naman si Sean sa kantang "Insomnia."
Sumunod na sumalang si John Clifford kung saan hinarana niya ng Bisaya ang host na si Shaira Diaz.
Hindi nagpahuli ang social media sensation na si May Ann Basa o mas kilala bilang "Bangus Girl" na nagpakita ng kanyang talento sa pag-arte habang nagtitinda.
Samantala, ibinahagi ni Zephanie ang kuwento ng Gen Z series na MAKA, na mapapanood na ngayong September 21, 4:45 p.m. sa GMA.
"Ang 'MAKA' po ay isang eskuwelahan kung saan kami magiging magkakaklase. At lahat po kami ay magtutulong-tulong para maisalba 'yung school namin dahil gusto po naming maabot 'yung pangarap namin. Marami po kaming struggles, pero, at the same time, marami rin pong darating para tulungan kami," sabi ni Zephanie.
Ayon naman kay Dylan, aabangan ng manonood sa MAKA ang iba't ibang relatable stories na kinakaharap ng mga Gen Z.
"It's gonna be about mga experience ng mga Gen Z. Iba't ibang klase, iba't ibang back stories, and iyon 'yung mga aabangan."
Makakasama rin sa serye ang iba pang Sparkle stars na sina Marco Masa, Ashley Sarmiento, Olive May, at Chanty Videla. Gayundin, ang seasoned actor na si Romnick Sarmenta.
Panoorin ang full trailer ng MAKA sa video na ito:
KILALANIN ANG CAST NG MAKA SA GALLERY NA ITO: