TV

Well-loved movie franchise, mapapanood na sa primetime TV, ang 'Mano Po Legacy'

By Marah Ruiz

Magpapatuloy sa primetime television ang mga kuwento ng iconic film series na Mano Po.

Sa unang pagkakataon, magkakaroon ang well-loved movie franchise ng television series, ang Mano Po Legacy.

Bahagi ito ng mas pinalakas na partnership sa pagitan ng GMA Network at ng Regal Entertainment, ang orihinal na producer ng mga Mano Po films.


Tampok sa Mano Po Legacy ang mga bagong kuwento tungkol sa pag-ibig, pamilya at tradisyon ng mga Filipino-Chinese.

Tulad sa mga Mano Po films, malaki at star-studded ang cast ng serye.

Bukod diyan, mayaman sa tradisyon at kultura ng pamilyang Filipino-Chinese ang Mano Po Legacy.

Bahagi rin ng proyekto ang ilang institusyon ng Filipino film industry tulad ni writer-director Jose "Joey" Javier Reyes.

Para kay Regal Entertainment COO and Vice President Roselle Monteverde, napapanahon daw talagang dalhin sa telebisyon ang mga bagong kuwento ng Mano Po movies.

"It talks about family kasi very 'now' ang kuwentong ginawa ni Jose Javier Reyes. I like [na] hindi lang [ito tungkol] sa pamilya, [kundi] pati doon sa tradition [ng] Chinese family because nag-evolve na siya talaga from the traditional," paliwanag ni Monteverde.

Inaasahan din niyang maraming manonood, lalo na ang younger generation ng mga Filipino-Chinese ang makaka-relate dito.

"Although napi-pick up pa rin 'yung mga bagong traditions, nag-evolve na rin siya right now dahil sa mga new generation Tsinoys. Maibibigay namin itong Mano Po na pinag isipan nang mabuti sa kuwento pa lang at lalo na sa casting," aniya.

Abangan ang Mano Po Legacy, soon on GMA Telebabad.