TV

Ken Chan, nakatanggap ng advice tungkol sa paglabas sa love team mula kay Bianca Umali

By Marah Ruiz

Ang GMA Telebabad romantic comedy series na Mano Po Legacy: Her Big Boss ang unang serye ni Kapuso star Ken Chan sa loob ng tatlong taon kung saan hindi niya kasama ang regular onscreen partner na si Rita Daniela.

Aminado si Ken na nanibago siya dito pero malaki daw ang naibigay na tulong ng kayang Mano Po Legacy: Her Big Boss co-star na si Bianca Umali.

"Ngayon nga medyo nakakapanibago na after three years, hindi kami ni Rita ang magsasama. Sobrang laking tulong ni Bianca talaga sa akin. Sobrang happy ako na after three years na nag-stay ako sa isang love team, si Bianca 'yung nakaparehas ko dahil malaking tulong siya sa akin," pahayag ni Ken.

Binigyan daw kasi siya nito ng payo tungkol sa paglabas mula sa isang love team.

"Lagi niya kong binibigyan ng advice kasi nanggaling din si Bianca sa isang love team. Binibigyan niya ko ng advice dahil after noong love team niya, gumawa siya ng iba't ibang teleserye na iba't iba 'yung naka-partner niya. Nagbigay siya sa akin ng advice at talagang nakatulong 'yun sa akin," lahad ng aktor.

Ano nga ba ang payo na binigay ni Bianca sa kanya?

"Sabi sa akin ni Bianca, talagang mas maganda at mas healthy kapag hindi ka nag-stick sa isang love team kasi nakakaparehas mo at nakakatrabaho mo 'yung mga iba't ibang aktor, 'yung mga iba't ibang aktres sa paligid mo. Hindi nalilimitahan 'yung trabaho mo, hindi nalilimitahan 'yung story na binibigay sa iyo at nagpo-focus sa istorya. 'Yun 'yung maganda kapag nakalabas ka sa isang love team. 'Yun 'yung mga na-appreciate ko na words from Bianca," bahagi ni Ken.

Abangan ang unang tambalan nina Ken at Bianca sa romantic comedy na Mano Po Legacy: Her Big Boss.

Gaganap dito si Ken bilang ang geeky boss na si Richard Lim, habang si Bianca naman ang kanyang bubbly assistant na si Irene Pacheco.

Huwag palampasin ang world premiere ng Mano Po Legacy: Her Big Boss, March 14, 9:35 pm sa GMA Telebabad.