TV

Allen Ansay, may inihahandang Valentine's Day surprise para kay Sofia Pablo

By Jimboy Napoles

Bukod sa kanilang kabi-kabilang guestings at projects, isa pa sa pinagkakabalahan ngayon ni Allen Ansay ay ang kanyang espesyal na Valentine's Day surprise para sa kanyang on-screen partner na si Sofia Pablo.

Sa “Chika Minute” report ni Cata Tibayan para sa 24 Oras, ibinahagi ni Allen na hindi naman nawawala ang kanyang sorpresa kay Sofia sa tuwing sasapit ang Valentine's Day tuwing Pebrero.

Aniya, “Ayun talaga 'yung goal ko everytime na magse-celebrate ng Valentine's Day kami ni Aki talagang surprise hindi nawawala 'yan every year simula nang magkakilala kami.”

Kuwento pa ng tinaguriang "Next Generation Leading Man" na si Allen, dream come true talaga ang makatrabaho si Sofia na matagal niya na ring crush.

“Pangarap lang po talaga 'to tapos ngayon nakapag-work na kami nang magkasama tapos 'yun katulad nang nabigyan pa kami ng opportunity para mag-spread ng love,” kuwento ni Allen.

Nagbigay din ng tip ang young actor para sa mga nag-iisip pa ng kanilang Valentine gift para sa kanilang special someone.

“Daanin niyo lang talaga sa mga simpleng bagay lang kasi ako ang ginagawa ko talaga alamin mo muna 'yung kahinaan ng crush mo kasi ako si Sofi ang kahinaan niya mga love letters lang,” ani Allen.

Natutuwa naman ang dalawa sa positive feedback na kanilang natatanggap sa kanilang primetime series na Luv Is: Caught in His Arms. Si Sofia, flattered dahil naihahambing ang kanyang acting sa Kapuso actress na si Jennylyn Mercado.

Aniya, “'Yung mga nagsasabi po na they can see Miss Jennylyn Mercado sa acting kasi when it comes to romantic-comedy po 'di ba the rom-com queen si Miss Jennylyn? I really look up to her po lalo na 'yung mga K-drama remake niya.”

Dagdag pa ng dalawa ay marami pang dapat abangan na kilig na mga eksena sa kanilang first-ever primetime series bilang sina Nero at Florence.

“From manhid kay Florence, [ngayon] nagbabago na e, lumalabas na 'yung side niya na may concern pala siya kay Florence,” kuwento ni Allen.


Kamakailan, nagpakalig din sina Sofia at Allen sa kanilang mga rebelasyon sa Fast Talk with Boy Abunda kung saan inamin ni Allen na matagal niya nang crush si Sofia bago pa man siya maging artista.

Panoorin ang Luv Is: Caught in His Arms, weeknights, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.

SILIPIN ANG KILIG PHOTOS NG LUV IS: CAUGHT IN HIS ARMS LEAD STARS NA SINA SOFIA PABLO AT ALLEN ANSAY SA GALLERY NA ITO: