TV

'Mga Lihim ni Urduja,' nagsimula nang mag-taping

By Abbygael Hilario

Simula na ng taping ng 'Mga Lihim ni Urduja,' ang isa sa mga pinakahihintay na mega series ng GMA para sa 2023!

Sa Instagram, nagbigay ng pasilip ang headwriter at concept creator ng naturang serye na si Jojo Nones sa kanilang unang araw ng taping.

Ibinahagi niya ang ilang larawan at videos kung saan makikita ang mga bida nito na sina Kylie Padilla at Gabbi Garcia na nag-uusap sa isang eksena.

Si Kylie ay gaganap bilang Gemma, isang matapang na pulis na gagawin ang lahat para magampanan ang kaniyang tungkulin. Si Gabbi naman ang napili para gampanan ang karakter ni Crystal, isang jeweler.

“First taping day! #Urduja2023” aniya sa kaniyang caption.

Samantala, noong nakaraang December 6, 2022, ipinakilala sa story conference ng nasabing programa ang powerhouse cast nito.

Makakasama nina Kylie at Gabbi ang kanilang 'Encantadia' sister na si Sanya Lopez na gaganap naman bilang legendary warrior princess na si Urduja.

Kabilang din sa cast ang Kapuso stars na sina Zoren Legaspi, Jeric Gonzales, Vin Abrenica, Michelle Dee, Kristoffer Martin, Rochelle Pangilinan at Arra San Agustin.

TINGNAN ANG HIGHLIGHTS MULA SA STORYCON NG 'MGA LIHIM NI URDUJA' SA GALLERY NA ITO: