TV

Tom Rodriguez, ayaw maging kampante sa sarili


Malayo na ang narating ni Tom Rodriguez sa patuloy na pamamayagpag ng My Husband’s Lover. Naging laman siya ng social media sites at naging controversial sa bawat episode ng mapangahas na GMA primetime series.

Inusisa ng GMANetwork.com kung ano’ng eksena ang naging paborito ni Tom at nagkaroon ng malaking impact sa kanya. “Lahat naman siguro. Hindi naman ako nagiging biased sa mga eksenang ginagawa namin kasi napakaganda ng kuwento. Kaya bawat eksena, may sense. Alam mo na parang hindi siya patapon na eksena. So lahat, na-eenjoy ko.”

Ramdam na ramdam ang bawat emosyon na nakikita kay Tom on-screen. Inamin nyang nakatulong ang pagiging close niya sa kanyang co-stars. “Sobrang gaan, kasi lahat sila sobrang mababait at maalaga. At saka, alam mo iyong ang dali nilang pakisamahan kaya sobrang suwerte ko,“ dagdag pa niya.

Usap-usapan na ang mga susunod na mangyayari sa My Husband’s Lover. Sa sobrang avid viewers ng iba, mismong sila na ang gumawa ng sarili nilang version sa mga susunod na mangyayari.

Nang tanungin namin si Tom kung ano ang dapat aabangan sa My Husband’s Lover. “Marami, maraming aabangan. Kasi kung nanunuod kayo, pa-intense nang pa-intense iyong mga eksena. Maraming kailangan at dapat abangan.”

Matindi din ang pressure sa cast ng My Husband’s Lover para maging kapana-panabik ang bawat eksena. Nakakaramdam din ba siya ng pressure?

“Sa totoo lang lagi. It’s constant. Thankful naman ako duon sa pressure na iyon. Kasi ibig sabihin, it keeps you honest and grounded.”

“At the same time, hindi complacent. Ayoko maging kampante sa sarili ko. Iyong pressure na iyon, nagreremind lang siya na kailangan pag-igihan ko iyong trabaho ko," ang paliwanag ng aktor.

Sa pagtatapos ng interview, nagiwan siya ng pangako sa lahat ng supporters ng My Husband's Lover,

"Gagawin ko lagi iyong best ko para sa mga manunuod.”

Huwag palampasin ang lalo pang umiinit na mga eksena ng My Husband’s Lover gabi-gabi pagkatapos ng Mundo Mo’y Akin.-- Text by Eunicia Mediodia, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com