TV

Mapapaamin pa kaya ni Lally si Vincent sa mga magulang nito?


Patuloy na pinipilit ni Lally si Vincent na umamin na ito sa kanyang mga magulang tungkol sa kanyang totoong pagkatao, ngunit mapapangunahan ng takot si Vincent dahil alam niyang hinding hindi siya matatanggap nina Armando at Elaine. Sa ikawalong linggo ng pinakamapangahas na teleserye sa telebisyon ngayon, ang My Husband's Lover, aalamin ni Lally kung mahal nga ba siya ng kanyang asawa at kukumbinsihin niya ito na magpakatotoo na sa sarili, lalo na sa kanyang pamilya.

Sa pagbalik ng mag-asawa mula sa kanilang bakasyon, mahahalata ni Elaine na hindi nila naayos ang kanilang problema. Magkukunwari naman sina Vincent at Lally na maayos na ang lahat sa kanila para hindi na mapagsabihan ng mga magulang. Mapagdedesisyunan ni Lally na tawagan si Eric at kausapin ito tungkol kay Vincent.

Pupuntahan ni Lally si Eric. Bibisitahin naman ni Vincent si David. Mag-uusap sina Lally at Eric, at sasagutin ni Eric ang mga katanungan ni Lally na siyang ikasasakit lalo ng loob nito. Pilit iintindihin ni Lally ang lahat ng mga sinabi sa kanya ni Eric. Pagdating sa bahay, sasabihin niya kay Vincent ang mga ibinunyag ni Eric. Pag-uugatan na naman ito ng kanilang away.

Sa pag-aaway nilang iyon, hoping si Lally na aamuin siya ni Vincent kaso hindi iyon gagawin ni Vincent at mas lalo lang tuloy masasaktan si Lally. Makikipagkita na lang si Lally kay Paul at muli silang magkukuwentuhan. Sa hindi inaasahang pagkakataon, makikita ulit nila Vincent at Eric ang isa’t-isa. Magkukumustahan ang dalawa at agad ding aalis si Eric, pero pareho silang malulungkot sa pag-iwas nila.

Pagkauwi pareho nila Lally at Vincent, mapag-uusapan nila ang pinsan ni Vincent na bakla. Iiwasan ni Vincent ang topic na iyon ngunit hindi siya titigilan ni Lally. Darating sa point na kakaawaan ni Lally si Vincent kaya may isa-suggest siya na solusyon, ang pag-amin nito sa kanilang mga magulang. Para kay Lally, ito ang magiging paraan para matulungan silang maisalba ang kanilang pagsasama.

Hindi papayag si Vincent sa kagustuhan ng asawa, na siya namang ikasasama ng loob ni Lally. Maiisip ni Lally na kausapin si Paul para humingi ng tulong kung paano pa niya maaayos ang relasyon nilang mag-asawa.

Samantala, matutuwa naman si Danny nang magdesisyon si Eric na mag-move on na from Vincent. Kasabay nito ay ang pakikipag-ayos na rin niya sa kanyang inang si Sol. Kakausapin naman ni Lally si Armando tungkol sa pinsang bakla ni Vincent. Aalamin nito mula sa ama kung naniniwala ba itong magagawa pang magpakalalake ng isang bakla.

Isang pasabog naman ang naghihintay sa pagdiwang sina Armando at Elaine ng kanilang wedding anniversary sa pagdating ni Zandro.

Magagawa pa rin kaya ni Lally na pilitin si Vincent pagkatapos ng lahat? Totoo na kaya ang pag-move on ni Eric pagkatapos siyang talikuran ni Vincent?

Find out what will happen to Lally, Vincent, and Eric on Week 9 of My Husband's Lover, weeknights after Mundo Mo'y Akin on GMA Telebabad. -- Text by Michelle Caligan, GMANetwork.com