TV

'One True Love' ni Alden Richards, magbabalik sa GMA

By Marah Ruiz

Muling matutunghayang ngayong August ang 2012 romance drama series na One True Love na pinagbidahan ni Asia's Multimedia Star Alden Richards.

Nakapareha niya dito ang aktres na si Louise delos Reyes na minsan na rin niyang naging co-star sa mga seryeng Alakdana, Tween Hearts at My Beloved.

Gumanap si Alden bilang si Tisoy, isang binatang lumaki sa pantalan. Si Louise naman ay si Elize, anak ng mayamang negosyante na si Carlos (Raymond Bagatsing).

Magkakakilala ang dalawa at magkakapalagayan ng loob. Pero bukod sa magkaibang estado ng kanilang buhay, maraming pang mga sikretong hahadlang sa kanilang pag-ibig.


Ang kinikilalang ama ni Elize na si Carlos ang tunay na ama ni Tisoy. Bunga siya ng relasyon nito sa karinderya helper na si Ellen (Jean Garcia).

Nang malaman ng asawa ni Carlos na Leila (Agot Isidro) na may kabit ang asawa at nagdadalantao pa ito, bubuo siya ng plano para mailayo ang bata kay Carlos.

Pagkapanganak ni Ellen kay Tisoy, ipagpapalit ni Leila ang sanggol sa isa pang sanggol na babae.

Bukod dito, ipapakulong pa ng mag-asawa si Ellen para hindi na nito mabawi pa ang anak.

Walang kamalay-malay si Carlos na ang sanggol na si Elize ay hindi niya tunay na anak.

Samantala, matapos ang ilang taong pagkakakulong, makakalaya na si Ellen at maghihiganti kina Carlos at Leila.

Ano ang magiging epekto ng mga pagkakamali ng nakaraang henerasyon sa pag-iibigan nina Tisoy at Elize?

Si Andoy Ranay ang nagsilbing direktor ng One True Love. Si Ogie Alcasid naman ang nag-compose ng theme song nitong "Pangarap Ko ang Ibigin Ka" na inawit ng La Diva.

Ayon sa AGB Nielsen, nagtala ang serye ng 24.6% rating sa unang episode nito, habang 28.2% ang ratings ng huling episode nito.

Bukod dito, umari rin ang One True Love ng ilang nominasyon sa 2013 Golden Screen TV Awards tulad ng Outstanding Original Drama Series, Outstanding Supporting Actor para kay Raymond Bagatsing, Outstanding Supporting Actress para kay Ana Capri, Outstanding Supporting Actress para kay Jean Garcia at Outstanding Performance by an Actor in a Drama Series para kay Alden Richards.

Huwag palamapasin ang One True Love, simula August 10, Lunes hanggang Biyernes 4:15 pm sa GMA.