TV

'One True Love' ni Alden Richards, muling mapapanood sa GMA

By Dianara Alegre

Muling mapapanood sa telebisyon ang 2012 drama series na One True Love na pinagbidahan ni Asia's Multimedia Star at Centerstage host Alden Richards, simula ngayong araw, August 10.

Isa ito sa mga unang seryeng ginawa ni Alden sa GMA Network at batay sa panayam sa kanya ng 24 Oras, isa rin ito sa mga paborito niyang proyekto sa network.

Source: aldenrichards02 (IG) ; louise.dr (IG)

“Kino-consider ko talaga 'yung 'One True Love' as one of my favorite projects sa GMA kasi sobrang ganda ng takbo ng istorya nu'n. ang dami kong natutunan du'n sa project na 'yon,” aniya.

Tampok din sa serye sina Louise delos Reyes, Agot Isidro, Jean Garcia, Raymond Bagatsing, Bembol Rocco, Lucho Ayala, Tiya Pusit, Winwyn Marquez at Caridad Sanchez.

Samantala, nagbigay din ng update si Alden tungkol sa isang lolo na nagtitinda ng gulay sa Luzon South Expressway na ipinanawagan niya sa kanyang Facebook account.

Aniya, kahit matanda na ay pinipilit pa rin nitong magtinda ng gulay para makaraos sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan.

“Umaraw umulan, araw-araw siyang nagtitinda ng gulay para lang maitawid niya 'yung everyday na pamumuhay niya. Mag-isa lang siyang nakatira du'n sa bahay kasama 'yung aso. Gaano kahirap 'yun para sa isang senior citizen,” dagdag pa niya.

Hindi na raw napuntahan ni Alden ang bahay ng matanda kaya ang daddy niyang si Richards Faulkerson na lang ang personal na nag-abot ng tulong dito.

Dahil sa matinding kinakaharap ng bansa bunsod ng COVID-19 pandemic, nanawagan si Alden sa publiko na maging matulungin sa isa't isa.

“Maliit na bagay para mabigyan natin ng comfort 'yung mga kababayan natin.

“Bukod sa Diyos, tayo-tayo lang 'yung magtutulungan. Sana po lakihan natin 'yung puso natin para sa mga nangangailangan,” dagdag pa niya.

IN PHOTOS: The cast of 'One True Love'