TV

'Pepito Manaloto' cast reveal their favorite episodes


Hindi maikakaila na malapit sa isa't isa ang cast members ng Pepito Manaloto, lalo na't ilang taon na rin silang magkakatrabaho mula pa noong Book 1. Kaya naman punong-puno ng tawanan at kulitan ang kanilang live chat last April 1 nang ikinuwento ng bawat isa ang kanilang pinakapaboritong episode. Ano kaya ang mga episode na tumatak kina Michael V., Manilyn Reynes, John Feir, Arthur Solinap, Ronnie Henares, Janna Dominguez at Mosang?

Para kay Mosang, who plays the role of Baby, ang paborito niyang episode ay mula pa sa Book 1. "'Yung pinaiyak mo (Bitoy) kami. 'Yung nagkasakit ka, 'yung akala namin namatay ka. Sa Tunay na Kuwento, 'yung may in-adopt na bata. May kurot! At 'yung kumanta si Chito, sa Christmas episode."

Ang episode na nag-iyakan sina Mimi at Deedee naman ang paborito ni Janna Dominguez. "Comedy kasi tayo tapos may drama," paliwanag niya. 

Inunahan naman ni Bitoy si Arthur Solinap sa favorite episode niya. "Hulaan ko ha. Pasko, 'yung folding bike. Tama? Ayusin mo. Binibigyan kita ngayon ng pagkakataon."

Sumang-ayon naman si Arthur dito, pero hindi siya nakaligtas sa panunukso ng kanyang co-stars. "'Yung story kasi, guest namin doon si Rochelle [Pangilinan]." Si Rochelle ang girlfriend ni Arthur sa totoong buhay.

Hindi rin nakaligtas ang kanilang direktor na si Bert de Leon, kaya nang pinasali siya ni Bitoy sa live chat ay ibinahagi rin niya ang kanyang favorite episode. "Paborito ng karamihan ang may kurot sa puso. Pero ako, masaya ang pipiliin ko. 'Yung family reunion, 'yung dumating ang mga kamag-anak mo (Manilyn) at ginulo ang bahay niyo."

Ano naman ang pinakagusto ni Bitoy? "Sa akin naman, 'yung rubber shoes. Isa 'yan sa mga paborito ko."

Kinuwento naman ni Ronnie Henares ang kanyang paboritong episode, nankahit sa script reading pa lang ay natatawa na siya. "'Yung sumakay yata si Elsa sa kotse mo at itinatago mo 'yung mga pang-gym mo. Tapos tinapon mo ang sapatos mo sa labas, pero pinulot naman ni Baby."

Last but not the least ay si John Feir, who plays the role of Patrick, Pepito's best friend. "Ang paborito ko, ang hindi ko makakalimutan, 'yung mayroon tayong eksena sa kabaong."

Dinugtungan ito ni Bitoy. "Sumalangit nawa. Ang guest namin noon ay si Roldan Aquino, sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa. Napakagaling na aktor, at lingid sa kaalaman ng iba, nakakatawa po siya."

Patuloy na panoorin ang Pepito Manaloto: Ang Tunay na Kuwento every Sunday pagkatapos ng Kap's Amazing Stories. -- Text by Michelle Caligan, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com