TV

Usapang swerte sa 'Pepito Manaloto' ngayong Sabado!

By MARAH RUIZ



Chinese New Year sa bahay ng mga Manaloto!

Tamang tama naman, bumisita ang bayaw ni Mimi na Billy na isang Feng Shui expert. Naghahanap ito ng bagong mga kliyente kaya naman ipapakilala siya ni Mimi sa mga kapitbahay niyang sina Pepito at Elsa.

Hindi man mapagpaniwala si Elsa sa mga pamahiin, pero pagbibigyan niya si Billy at bibili siya ng isang bracelet. Pagkatapos noon ay sunod sunod na ang swerteng pumapasok sa buhay nila! Kaya susundin na niya ang mga rekomendasyon ni Billy.

Makikiuso naman ang mag-inang si Mimi at Deedee, pati na din ang maid nilang si Berta.

Samantala, may bago na namang pakulo si Tommy. Kukunstabahin niya si Patrick para magbenta ng paputok. Pero dahil sa dami ng pa-testing testing ng dalawa ay mauubos kaagad ang paninda nila! Papatok ba o puputok sa kanilang mga mukha ang pinasok nilang negosyo?

Special guest ang APO Hiking Society at batikang singer na si Buboy Garovillo bilang ang Feng Shui expert na si Billy.

Kaya naman papasukin ang swerte sa inyong tahanan at manood ng Pepito Manaloto, ngayong Sabado, bago ang Magpakailanman sa GMA!