TV

Aiai Delas Alas, bumalik ng Pilipinas para sa upcoming GMA series na 'Raising Mamay'

By Jansen Ramos

Umuwi ang batikang aktres at komedyante na si Aiai Delas Alas ng Pilipinas mula Amerika para gawin ang bagong proyekto na Raising Mamay na magsisimula na ang taping ngayong Pebrero.

"Parang project talaga 'to na gift sa 'kin ni Lord kasi, first of all, thank you so much sa GMA kasi... napakaganda ng istorya. Mahirap 'yung role. Binabasa ko pa lang 'yung script, umiiyak na 'ko, as in, very heartwarming. Masasabi mo na, 'wow' ang ganda nitong palabas na 'to," bahagi ni Aiai sa panayam ni GMA News showbiz reporter Lhar Santiago.

Muling ipapamalas ang galing ni Aiai hindi lang sa pagpapatawa kung 'di na rin sa drama sa Raising Mamay. Sa loob ng mahigit tatlong dekada niya sa showbiz, kabi-kabila na ang mga acting awards ang nakamit ng aktres mapa-TV man o pelikula.

Ilang beses din siyang nag-guest sa GMA weekly drama anthology na Magpakailanman kung saan napanood ang kanyang 'di matatawarang husay sa pagganap.


Mula sa success ng 2021 GMA primetime series na Legal Wives, tampok din sa Raising Mamay ang Starstruck Season 7 Ultimate Female Survivor na si Shayne Sava.

Sa unang pagkakataon, bibida si Shayne sa bagong serye kung saan gaganap silang mag-ina ni Aiai.

Itinatampok din ang pagbabalik-tambalan nina Shayne Sava at Abdul Raman na lubos na kinagiliwan sa Legal Wives.

Sa Raising Mamay hindi lamang sila magpapakilig sa telebisyon dahil makikita rin ang galing nila sa pag-arte.

Ang tanong, may chance kayang magka-develop-an sina Shayne at Abdul habang nasa set ng Raising Mamay?

Sagot ni Abdul, "Si Shayne na lang po [ang] hinihintay ko diyan."

Naniniwala rin si Aiai na posibleng magkatuluyan ang dalawa.

Hirit niya, "Magkamukha nga sila. Sabi nila, usually, 'pag magkamukha, sila 'yung nagkakatuluyan."

Ang Raising Mamay ay sasailalim sa direksyon ni Don Michael Perez.