TV

Cleofe, muling nanguna sa listahan ng suspect's poll para sa 12th week ng 'Royal Blood'

By Aimee Anoc

Dalawang magkasunod na linggong nanguna si Cleofe, na ginagampanan ni Ces Quesada, sa mga pinaghihinalaan ng Royal Blood viewers na pumatay kay Gustavo Royales (Tirso Cruz III), base ito sa isinagawang poll ng Royal Blood para sa ikalabing-isa at ikalabing-dalawang linggo nito.

Sa inilabas na official poll results ng Royal Blood noong Linggo, September 10, nanguna ulit sa listahan si Cleofe na may 20.9 percent vote.

Kung sa ikalabing-isang linggo ng Royal Blood ay sina Kristoff (Mikael Daez) at Tasha (Rabiya Mateo) ang pumangalawa at pumangatlo sa poll, napalitan naman ito ngayon nina Diana (Megan Young) at Otep (Benjie Paras) sa puwesto.

Sumunod naman sa listahan sina Tasha, Emil (Arthur Solinap), Kristoff, Andrew (Dion Ignacio), Napoy (Dingdong Dantes), Anne (Princess Aliyah), at Camilla (Carmen Soriano).

Sa ikalabing-dalawang linggo ng Royal Blood na umere simula September 4 hanggang September 8, matatandaang ipinagtapat na ni Cleofe kay Napoy ang tunay na relasyon nila ni Emil.

Kuwento ni Cleofe, si Emil ang naging bunga nang pagsamantalahan siya noon ng kapatid ni Gustavo na si Eduardo. Nangako naman si Gustavo na tutulungan silang mag-ina kapalit nang pagtatago nito ng totoong nangyari sa kanya.

Bukod sa rebelasyong ito, ibinunyag din ni Cleofe sa lahat na hindi anak ni Gustavo si Margaret (Rhian Ramos) at anak ito ni Victoria (Anna Marin) sa ibang lalaki.

Sa huling dalawang linggo ng Royal Blood, sa inyong palagay, sino ang tunay na pumatay kay Gustavo Royales?

Marami pang mga rebelasyon ang dapat na abangan sa Royal Blood. Patuloy na subaybayan ang hit murder mystery series, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.

Mapapanood din ang Royal Blood sa Pinoy Hits, I Heart Movies, GTV (10:50 p.m.), at naka-livestream din sa Kapuso Stream.

BALIKAN ANG MGA NANGYARI SA IKALABING DALAWANG LINGGO NG ROYAL BLOOD SA GALLERY NA ITO: