TV

Beauty Gonzalez at Kelvin Miranda, ini-stalk ang isa't isa sa social media

By Marah Ruiz

Ang mini-series na "Loving Miss Bridgette" mula sa seryeng Stories from the Heart ang kauna-unahang serye sa GMA ng aktres na si Beauty Gonzalez.

Makakatambal niya rito si Kapuso actor Kelvin Miranda.

Source: aalixjr IG

Sa story conference na idinaos via Zoom, unang nagkita at nagkausap sina Beauty at Kelvin.

Pero bago pa man ito, tiningnan na raw ni Beauty ang social media accounts ni Kelvin at pinanood ang ilang serye at pelikula nito.

"Chineck ko na 'yung Instagram niya. I watched a movie of him na nasa Netflix. Pinanood ko na siya. I did a bit of my assignment, kasi siyempre it's my homework also to know my co-actors," pahayag ni Beauty.

Ganito rin daw ang ginawa ni Kelvin kaya nabuko niyang inii-stalk pala siya ni Beauty sa Instagram.

"Sabi ko, chine-check niya rin pala ako noong nakita ko," ani Kelvin.

Ikinagulat naman ito ni Beauty at biglang nahiya.

"Mayroon palang ganoon! Oh my god, nakakahiya!" bulalalas ng aktres habang nagtatakip ng mukha.

Sagot naman ni Kelvin na kinabahan siya sa atensiyong nakuha mula kay Beauty, kahit online lang.

"So sinabi ko, chine-check din pala niya ako. Bigla akong kinabahan. Siyempre Beauty kasi talagang magaling siyang aktres. Hinahangan ko siya sa mga trabaho niya," lahat nito.

Nagkaroon na rin ng pagkakataon sina Beauty at Kelvin na magkita sa personal nang mag-check in sila sa isang hotel para sa mandatory quarantine bago magsimula ang lock-in taping ng kanilang serye.

Espesyal ang role para kay Beauty dahil first time na mas bata sa kanya ang magiging leading man niya.

Para paghandaan ito, sinubukan daw niyang mag-observe ng iba't ibang mga tao.

"Titingin tingin lang ako. May isang girl, bagets ang jowa. Paano kaya sila nagho-holding hands 'pag naglakad? Mostly observing lang talaga. Uy, binibilhan niya ng sapatos. Ganoon ba dapat?" bahagi ni Beauty.

Excited naman at pressured si Kelvin na makatrabaho ang aktres.

"Sobrang hinahangaan ko kasi siya. Sa mga actress, sobrang natural niya. Technically, sobrang bagay sa screen 'yung mga ginawa niya. Sobrang effective. Iniisip ko kung papaano ko mapapantayan 'yung ganoon," paliwanag ni Kelvin.

Panoorin ang buong ulat ni Aubrey Carampel sa video sa itaas.

Sa "Loving Miss Bridgette," gaganap si Beauty bilang konserbatibo at recently annulled guidance counselor na si Bridgette.

Si Kelvin naman ay si Marcus, isang pre-med student na makikilala ni Bridgette habang nagbabakasyon.

Sa kabila ng agwat sa kanilang edad at maging estado sa buhay, magkakaroon ng isang secret love affair ang dalawa.

Abangan ang intriguing at shocking love story nila sa Stories from the Heart: Loving Miss Bridgette, soon on GMA!

Samantala, silipin ang ilang eksena mula sa lock-in taping ng serye rito.