TV

Gabbi Garcia at Khalil Ramos, mas nakilala ang isa't isa sa 'Stories from the Heart: Love On Air'

By Jimboy Napoles

Bibida sa kanilang unang GMA series ang real-life Kapuso couple na sina Gabbi Garcia at Khalil Ramos sa third offering ng Stories from the Heart ang "Love On Air."

Bagama't hindi ito ang unang proyekto na pagsasamahan ng GabLil, nanatiling professional daw ang dalawa at isinantabi muna ang kanilang pagiging magkasintahan sa set ng nasabing series.

Sa isinagawang media conference ng Stories From The Heart: Love On Air nitong Martes, November 23, sinabi ni Gabbi na walang naging ilangan sa kanilang dalawa ni Khalil bagkus ay mas nakilala pa raw nila ang isa't isa bilang aktor at aktres.

"We first worked together on a movie [LSS, 2019 film] yun, andoon yung ilangan stage but for this one it was more of I got to know him more as an actor, I got to know him better, his work ethics, na-appreciate ko how vivid he is, how collaborative he is." kwento ni Gabbi.

Pinairal din daw nila ang pagiging magkatrabaho sa set ng "Love On Air."

"'Tsaka kapag nasa set kami, hindi kasi kami... We don't treat each other as boyfriend-girlfriend. It's more of you are my co-actor, I will respect you, I'll ask kung paano mo aatakihin yung scene, it's more of like that, hindi kami masyadong girlfriend-boyfriend sa set." dagdag pa ng aktres.

Marami rin daw natutunan si Khalil sa kaniyang first Kapuso series sa GMA Network at nagpapasalamat siya sa oportunidad at suporta na ibinibigay sa kaniya.

Makakasama ng GabLil sa nasabing series ang nagbabalik-Kapuso na si Sunshine Cruz at kapwa Kapuso stars na sina Kate Valdez,Kiray Celis, Anjo Damiles, Jason Francisco, Yasser Marta, at 'The Clash' season 1 alumnus na si Psalms David.

Abangan ang Stories from the Heart: Love On Air ngayong November 29 sa GMA Afternoon Prime.

Samantala, silipin naman sa gallery na ito ang behind-the-scene photos ng naging lock-in taping ng Stories from the Heart: Love On Air: