TV

EXCLUSIVE: Kim Domingo, kontrabidang kapatid ni Marian Rivera sa 'Super Ma'am'

By Bea Rodriguez



Hindi makapaniwala ang tinaguriang Pantasya ng Bayan na si Kim Domingo na personal choice siya ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera na gumanap bilang kontrabidang kapatid nito sa Super Ma’am, ang show na pagbibidahan ng aktres.

Paglalahad ng sexy actress sa eklusibong panayam ng GMANetwork.com, “Happy at the same time [ay] kinakabahan din. Siyempre, [si] Ms. Marian Rivera iyon eh. Idol ko iyan eh! Dati ko pang request na makatrabaho talaga siya. I’m sure magiging maayos naman ang lahat.”

Dual role rin ang gagampanan ni Kim bilang ang kapatid ni Minerva Henerala na si Mabelle Henerala at ang magiging kaaway nito na si Avenir Segovia.

Kuwento ni Kim, “Meron kasing nangyaring trahedya so that’s why nagkahiwalay kami noong mga bata pa kami. Akala ni Minerva, patay na ako kasama ‘yung nanay namin. Pero ang mangyayari [ay] gagamitin akong parang alas ng kalaban. Sa huli, magkikita kaming dalawa [at] kami ang magtutuos dito.”

Maiipluwensiyahan ng kalaban ang karakter ni Kim kaya hindi siya agad makikilala ni Minerva. Patuloy niya, “Si Ms. Marian, ang powers niya ay malakas ‘yung pang-amoy niya so nase-sense niya kung sino ‘yung mga tamawo at ‘yung mga totoong tao. Ako, hindi niya ako ma-sense as tamawo kasi nga totoong tao talaga ako pero makikilala niya ako as a tamawo.”

Mga tamawo ang magiging kalaban ng high school teacher sa telefantasya. Ayon kay Kim, “Mythical creatures sila tapos dati [ay] sila ‘yung nag-rule ng world so ngayon [ay] gusto nilang makabalik ulit [galing sa] ilalim ng lupa. Gusto nilang makabalik ulit at sakupin ang daigdig ng mga tao.”

Tila kinakarir ni Kim ang kanyang paghahanda sa mga fight scenes kasama ang Primetime Queen. Subaybayan ang kanilang matinding paghaharap sa nalalapit na pagsisimula ng pinakabagong GMA Telebabad telefantasya soap na Super Ma’am ngayong Setyembre 18 na!