TV

Rufa Mae Quinto, nais pa bang magkaroon ng isa pang anak?

By Dianne Mariano

Ikinuwento ni Sparkle actress-comedienne Rufa Mae Quinto ang kaniyang buhay bilang isang asawa, nanay, at aktres, sa nakaraang episode ng The Boobay and Tekla Show noong nakaraang Linggo (April 9).

Sa naturang episode, sumalang ang aktres sa “May Pa-Presscon” segment. Kuwento niya, “Masaya naman, kumpleto na 'yung buhay ko, parang hindi na ako madalas mag-emote, malungkot. Parang sobrang busy lang, more on lagi akong natataranta, 'yung hindi mo alam minsan kasi nga kapag nandyan 'yung anak mo.”

Isa sa mga tanong para kay Rufa Mae, o P-chi kung tawagin ng kaniyang mga kasamahan sa showbiz, ay kung may balak ba siyang magkaroon ng isa pang anak.

Para sa seasoned comedienne, nais niyang magkaroon ng isa pang anak kung ipagkakaloob ito ng Diyos ngunit sapat na rin para sa kaniya ang anak na si Alexandria Athena.

“Gusto ko s'yempre pero God's will, thy will be done. Pero kung hindi man, okay lang na huwag na muna kasi kakabalik ko pa lang. At saka parang ayoko na rin. Honestly parang sa akin, okay na ako. At least nagka-isa na,” pagbabahagi ni Rufa Mae.

Patuloy niya, “Okay lang may kapatid naman na siya isa, kapag naghahanap. Si Trevor kasi may anak sa unang ganap.”

Matapos ito, sumabak ang dating Tols star sa “Sasagutin o Kakainin,” kung saan hinarap niya ang mga maiinit na tanong. Isa na rito ay kung sino ang artista na ayaw na niyang muling makatrabaho.

Pabiro naman sinagot ng aktres na ito raw ay si Tekla. Dahil nasagot ni Rufa Mae ang tanong, si Boobay ang nabunot niyang kakain ng exotic dish na tuna eyeballs.

Bukod dito, hindi rin umatras sa Englishan si Rufa Mae nang i-translate niya sa Ingles ang ilang popular na Tagalog words at phrases sa segment na “Don't English Me.”

Para sa tuloy-tuloy na tawanan at saya, tutok lamang sa The Boobay and Tekla Show tuwing Linggo, 10:40 p.m., sa GMA, GTV, at Pinoy Hits - Channel 6 ng GMA Affordabox at GMA Now.

SAMANTALA, SILIPIN ANG SEXIEST LOOKS NI RUFA MAE QUINTO SA GALLERY NA ITO.