TV

Andrea Torres, kumportable kay 'The Better Woman' leading man Derek Ramsay

By Marah Ruiz

Masaya raw si Kapuso actress Andrea Torres sa working relationship nila ng hunk actor na si Derek Ramsay.

Andrea Torres & Derek Ramsay


Magtatambal kasi silang dalawa sa upcoming GMA Telebabad series na The Better Woman.

"Sobrang okay kami. Sobrang close na talaga kami. Sabi nga niya parang masyado na tayong comfortable sa isa't isa kasi kahit ano talaga, kaya na naming pag-usapan," kuwento ni Andrea.

Halos instant daw kasi ang kanilang friendship.

"'Yung nga pinag-uusapan namin, parang hindi kami nag-effort. Noong nag-usap kami, 'yun na, dirediretso na. Ang daldal na namin. Parang feeling namin matagal na kaming magkakilala. Siguro may ganoon lang talaga. May mga certain tao sa mundo na swak mo talaga ng ugali or values," paliwanag ng aktres.

Nakakatulong ito sa pagganap nila sa kanilang mga eksena, lalo na at karamihan dito ay sexy at intimate.

"Very open kaming dalawa which is good din para sa mga eksena. Nata-translate namin siya sa characters namin. Lalo kaming ginaganahan kasi ang ganda ng atmosphere sa set, very positive," aniya.

Sa tingin daw ni Andrea, malaking bagay na marami silang similarities ni Derek.

"Pareho kaming very close sa family. Very close din siya sa parents niya. Best friends din sila ng parents niya. Marami kaming mga views na pareho. Pareho rin kami ng humor. Tawanan lang kami nang tawanan sa set. Nasasakyan namin 'yung jokes ng isa't isa. 'Pag nakukuwento siya, kaya ko ring sabayan. Tapos siya rin. Ang daldal namin. Kailangan talaga hilahin nila kami para mag-take," bahagi niya.

Abangan sina Derek at Andrea sa The Better Woman, ngayong July sa GMA Telebabad.