TV

Golden Cañedo at Jeremiah Tiangco, binalikan ang kanilang 'The Clash' journey sa isang vlog

By Jansen Ramos

Nakipagkwentuhan si Christian Bautista sa The Clash winners na sina Golden Cañedo at Jeremiah Tiangco sa kanyang YouTube channel.

Sa panayam ng Asia's Romantic Balladeer na pinamagatang Tick-Talk!, sinariwa nina Golden at Jeremiah ang kanilang hardships at efforts na ginawa para makasali sa GMA competition.

Ani Jeremiah, ito raw ang naghubog sa kanya para maging pasensyoso.

"Unang-una sa lahat, top 64 po kami, so bago ka maturuan ni Ms. Jai Sabas-Aracama (The Clash vocal coach), dadaaan ka sa maraming competitors bago ka masalang.

"Suwerte mo kung mauuna ka, malas ka kung mahuhuli ka.

"Araw-araw po s'ya, nagiging routine mo s'ya hanggang sa masanay ka na ay normal na lang pala sa 'yo 'to. Talagang nahubog po talaga 'yung ugali ko."

Huminto sa pag-aaral si Jeremiah para sa pangarap. Ilang units na lang at ga-graduate na siya sa kursong Communication Arts. Gayunpaman, aniya, hindi niya ito pinagsisihan dahil worth it ang kanyang pagkapanalo bilang The Clash Season Two grand champion.

Pagbabalik-tanaw niya, "Dumating na rin po 'yung point na kailangan kong i-igive up 'yung pag-aaral, pero sobrang blessed po ako kasi 'yung mga naranasan ko na 'yun is 'yun po 'yung naghubog sa 'kin to become a better person, to become a better performer 'pag nasa stage ka na.

"Saka napakasaya ko po dahil nabigyan po ako ng opportunity dito sa The Clash.

"'Yun po 'yung napagtagumpayan ko. Sabi ko nga, worth it lahat ng pagod, ng hirap, ng lahat po kaya sobrang overwhelming."

Sabi pa niya, "Kung tumagal 'yung competition, kunwari The Clash season 20 na, parang 'yung experience ko, dadalhin ko s'ya hanggang pagtanda ko kasi hindi s'ya mababayaran ng kung ano man."

Para naman sa Cebuana na si Golden, natutunan niya sa The Clash na huwag basta-basta sumuko dahil aminado siyang hindi ganoon ka-strong ang kanyang personality.

Aniya, "Nung nasa Cebu po ako, madali po akong gumive up sa isang bagay, madali akong sumuko 'pag feeling ko 'di ko kaya.

"Pero no'ng sumali ako sa The Clash, do'n ko po na napatunayan sa sarili ko na kahit na sino ka, may experience ka man o wala, kahit bata ka o matanda, o kahit anong edad mo, pero 'pag gusto mo o 'pag binigay mo lahat ng best mo, kung para sa 'yo talaga, makukuha mo."

Patuloy niya, "Sa sobrang dami ng magagaling, sobrang daming experienced na nasa showbiz, pero hindi do'n bine-base kung para ba sa 'yo talaga 'yung title."

Kwento pa ni Golden, pinatibay ng The Clash ang kanyang loob lalo pa at kailangan niyang masanay mamuhay dito sa Maynila at ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.

"Nanghihina po kaagad ang loob ko 'pag na-reject. Ang gusto ko lang is nasa Cebu lang, isang estudyante na may normal na buhay po. 'Di ko po talaga alam kung anong meron dito," bahagi 18-year-old singer.

"Ako rin po ginive up ko 'yung school ko pero nag-continue po ako dito no'ng nagstart na 'yung The Clash workshop.

"Pasukan na po no'n so pumasok pa rin po ako no'n, sa Cavite po ako nag-stay.

"Kahit no'ng The Clash na po no'ng nagko-compete ako, nag-school pa rin po ako no'ng time na 'yon."

Panoorin ang buong vlog dito: