TV

Nakatunggali nina Julie Anne San Jose at Rita Daniela sa 'Popstar Kids,' pasok sa 'The Clash' Season 3 top 30

Tila isang reunion na maituturing nina Julie Anne San Jose at Rita Daniela ang muling pagkikita-kita nila ng kanilang Popstar Kids batchmate na si Pocholo "Cholo" Bismonte nang makapasa ang ngayo'y 25-years-old Laguna singer sa top 30 ng The Clash Season 3.

Si Cholo ay nakatunggaali ng ngayo'y The Clash hosts sa nasabing QTV singing competiton. Matapos ang kompestisyon, bumuo sila ng grupo na tinawag na Sugarpop kasama sina Renzo Almario and Vanessa Rangadhol.

Ayon sa Popstar Kids Season 1 winner na si Rita, pakiramdam niya ay tila bumalik siya sa kompetisyon nang makitang mag-perform si Cholo sa The Clash arena.

"'Yung kasabayan namin, not just kasabayan namin, but one of our friends in life is competing right now in this season. Parang nararamdaman namin, 'hala contest ulit,' parang bumabalik kami sa dati," ika ni Rita sa panayam ni Bot Glorioso sa virtual mediacon ng The Clash kahapon, September 30.

Sinang-ayunan naman ito ni Juliie. "Bumabalik 'yung memories," aniya.

"Nare-relive mo rin 'yung memories and very, very nostalgic kasi kaming dalawa ni Rita, pareho kaming galing ng contest, parehas kami ng sinalihang contest at magkagrupo kami before.

"So alam din namin 'yung pakiramdam na ikaw 'yung nagko-compete, ikaw 'yung sumasalang sa stage, 'yung kokomentan ka ng judges."

Kaugnay nito, binalikan din ni Julie Anne ang kanilang humble beginnings ni Rita.

Bahagi ng Asia's Pop Diva, "Dati kasi si Ate Kyla 'yung host ng Popstar Kids. Kami ni Rita, [sabi namin,] 'wow kumakanta na tayo sa TV.'

"Nakaka-inspire lang din, of course, 'yung ibang mga Clashers na sobrang gagaling talaga nila. Mas nakaka-inspire pa lalo kasi gusto nila 'yung ginagawa nila.

"Gano'n din 'yung napi-feel din namin ni Rita before na talagang, alam mo 'yun, despite of everthing, ang dami na rin naming napagdaanan ni Rita sa buong showbiz careers namin together and, of course, separately."

Julie Anne and Rita on returning as The Clash hosts

Ayon pa kina Julie Anne at Rita, meant to be na magpahanggang ngayon ay magkasama pa rin sila sa iisang show. Si Julie ay Clash Master ng The Clash kasama si Rayver Cruz, samantalang journey host naman si Rita kasama si Ken Chan.

Ika ni Julie Anne, "Ang galing ni Lord kasi before magkasama tayo sa Popstar Kids, ngayon magkasama ulit tayo sa The Clash so ang galing lang talaga. It's really meant to happen."

Sabay dugtong ni Rita, "Actually, ito 'yung first show namin ni Julie together.

"We've been with GMA for 15 years and no'ng natapos 'yung contest, siyempre, meron na kaming shows na napuntahan, and this is actuially our first show together so kaya excited din kami talaga no'ng naging journey host ako kasi sa second season lang naman po kami pumasok."

Bahagi pa ni Rita, masuwerte na ngayon ang mga TV singing competition contestants dahil may aagapay kaagad sa kanila kung sakaling hindi palarin

"Sa totoo lang, 'yung feeling na ikaw 'yung kinakabahan para din sa contestant.

"Actually, maswerte na 'yung contestants ngayon, like 'yung The Clash meron ng journey hosts.

"No'ng panahon namin ni Julie, wala pang gano'n, wala pang certain people na magko-comfort sa 'min na, 'okay lang 'yan. Kapag sumali ka, 'yun na 'yun."

Bukod kina Julie Anne, Rita, Rayvyer, at Ken, na-retain din sina Aiai Delas Alas, Christian Bautista, at Lani Misalucha bilang The Clash panel.

Ipapalabas sa GMA-7 ang ikatlong season ng programa tuwing Sabado, 7:15 p.m., at Linggo, 7:45 p.m., simula October 3.

Magkakaroon din ng livestreaming sa Facebook page at YouTube channel ng The Clash.