TV

Jennie Gabriel at Jessica Villarubin, kinatatakutang makalaban sa 'The Clash'

By Jansen Ramos

Sa isang virtual interview, deretsahang sinagot ng The Clash Season 3 contestants mula white group na sina Audrey Mortilla at Yuri Javier ang tanong ng The Clash graduates na sina Jeremiah Tiangco at Anthony Rosaldo kung sinong Clasher ang ayaw nilang makalaban sa kompetisyon.

Ayon kay Audrey, ang impersonator na si Jennie Gabriel ang iniiwasan niyang makatapat.

"Lahat magaling pero 'yung feeling ko pinakamalakas si Ate Jennie.

Siya 'yung pinaka-anxious ako maging kalaban," sambit ng 22-year-old medical technologist.

Ganito rin ang pakiramdam ni Yuri kay Jennie. Dagdag pa ni Yuri, kumakabog din ang kanyang dibdib kay Jessica Villarubin na nakatanggap ng standing ovation mula kay judge Aiai Delas Alas.

Gayunpaman, pinili ni Yuri na baguhin ang kanyang mindset lalo na noong nakalaban niya si Jennie at kanyang tatlo pang kasama sa white group sa round two.

Pahayag ni Yuri, "Nung nakalaban ko si Ate Jennie, lumawag din 'yung loob ko kasi parang naisip ko na kaya din pala natin 'to.

"Kung sino 'yung nasa grupo ko, 'yun talaga 'yung sobrang anxious ako makalaban.

"Pero sabi ko, we'll just do our best kasi alam ko na walang mag-gi-give up sa 'ming lahat."

Sa palagay ni Jennie, wala naman dapat ikatakot ang kanyang kapwa Clashers sa kanya dahil, aniya, "Lahat naman po kami magagaling, may kanya-kanya kaming style sa pagkanta."

Samantala, hindi na raw importante para kay Fritzie Magpoc kung sino ang makakalaban niya sa kompetisyon dahil mas pinagtutuunan niya ng pansin ang kanyang sariling performance kaysa magkumpara.

"Kapag nakasalang ka na sa stage, hindi mo alam kung ano 'yung ipapakita ng kalaban mo. Hindi mo alam kung magiging pabor ba sa kanya or sa 'yo 'yung araw na 'to. So ang iniisip ko na lang mas maging ready always sa mga mangyayari. Siyempre, sa song choice ko, sa preparation, kasi sa ganitong point ng competition, lahat magagaling na," paliwanag ni Fritizie.

Panoorin ang buong panayam sa itaas. Kung hindi naglo-load ang video nang maayos, maaari itong i-stream DITO.

Patuloy na subaybayan ang The Clash Season 3 tuwing Sabado, 7:15 P.M., at Linggo, 7:45 P.M. sa GMA-7.

Mayroon ding livestreaming ang bawat episode nito sa Facebook page at YouTube channel ng programa.