TV

Jessica Villarubin is 'The Clash' Season 3 grand champion

By Jansen Ramos

Itinanghal ang Power Cebuana Diva na si Jessica Villarubin bilang The Clash Season 3 grand champion.

Ito ay matapos niyang talunin ang Belter Babe ng Makati na si Jennie Gabriel sa final one-on-one clash ng singing competition ngayong Linggo, December 20.

Sina Jessica at Jennie ang nagtapat sa huling round dahil sila ang hinirang na top two Clashers kaysa sa kapwa finalists nilang sina Renz Robosa, Sheemee Buenaobra, at Fritzie Magpoc.

Sa Final Clash, kinanta ni Jessica ang "Habang May Buhay," samantalang inawit naman ni Jennie ang "All By Myself" ni Celine Dion.

Matapos ideklarang bagong The Clash grand champion, kinanta ni Jessica ang kanyang victory song na "Ako Naman." Ang kantang ito ay isinulat ng isa sa mga The Clash judges, si Christian Bautista.

Bilang grand champion, makakatanggap si Jessica ng papremyong may kabuuang halagang apat na milyong piso. Kabilang diyan ang exclusive management contract sa GMA-7, brand new car, Php1 million in cash, at house and lot mula sa Lessandra.

Si Jessica ang ikatlong The Clash grand champion matapos sina Golden Cañedo at Jeremiah Tiangco.

Samantala, may espesyal na handog ang all-original Filipino singing competition ngayong Kapuskahan--ang The Clash Christmas Special: Pasko Para Sa Lahat.

Tampok sa TV special ang Clash Masters na sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz, at Journey Hosts na sina Ken Chan at Rita Daniela, The Clash judges na sina Aiai Delas Alas, Christian Bautista, at Pops Fernandez, at mga dating kalahok ng programa gaya ng tatlong grand champions na sina Golden, Jeremiah, at Jessica.

Tampok din dito ang The Clash judge na si Lani Misalucha na muling mapapanood sa telebisyon.

Sa unang pagkakataon, ilalahad ng Asia's Nightingale ang kondisyon ng kanyang kalusugan matapos ang kanyang two-month absence sa programa.

Bukod kina Golden, Jeremiah, at Jessica, may appearance din ang The Clash graduates na sina Anthony Rosaldo, Nef Medina, at XOXO na binubuo nina Lyra, Riel, Mel, and Dani.

Mapapanood ang The Clash Christmas Special: Pasko Para Sa Lahat sa December 25, pagkatapos ng 24 Oras at bago ang Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation) finale.