TV

Julie Anne San Jose at Rayver Cruz, magbabalik bilang main hosts ng 'The Clash'

By Jansen Ramos

Magbabalik sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz bilang Clash Masters o main hosts ng GMA singing competition na The Clash.

Ito na ang ikatlong beses nilang magho-host ng nasabing programa simula noong ikalawang season nito na ipinalabas noong 2019.

Ang ikaapat na season ng The Clash, na may opisyal na pamagat na The Clash 2021, ang ikalawang season na ipo-produce sa gitna ng pandemya. Sa kabila nito, asahan pa rin daw ang mga intriguing twist kung saan kilala ang reality show.

"Sobrang excited kami kasi noong season three, nairaos namin siya at kahit na may pinagdadaanan tayo, kahit na may pandemic, we had to move mountains para matuloy ang The Clash season three.

"And now meron na namang season four, bagong season na naman so we're very excited kasi makakakita, makakairing na naman kami ng mga new breed of singers and we are looking forward to meet them, of course, and to know more about their journey," bahagi ni Julie Anne sa Kapuso ArtisTambayan noong September 16.

Sa bagong season ng The Clash, abangan daw ang bagong set ng singing competition pati ang mas pinatinding pasabog.

Dagdag ni Julie Anne, "Meron kaming bagong set, iba na naman 'yung set namin. Sa pagkakaalam ko din may mga bagong mechanics saka mga twists na naman."

Patuloy niya, "Pati kami ni Rayver kinakabahan din kami kasi 'di rin namin ang alam kung ano ang susunod na mangyayari, 'yun naman kasi ang iconic sa The Clash, mga pasabog talaga."

Inamin naman ni Rayver na sila ang nag-deliberate ni Julie Anne kung sinu-sinong aspiring Clashers ang nakapasok sa top 30.


Aniya, "Nakakalungkot din kasi may mga kinausap kami na mga hindi nakapasa, 'di ba, alam mo 'yun? Competition kasi 'to e, best of the best, kahit na sa Zoom pa lang namin sila nakausap, pinakita namin 'yung ibang auditions clips, ibang uniqueness naman 'yung dala ng mga Clashers na 'to.

"'Di lang naman sila 'yung parang sumali lang kasi nakakakanta sila, lahat sila magaling e."

Maging sila raw ni Julie Anne ay nagugulat everytime may mga bagong sorpresa sa The Clash.

"Feeling ko ma-step up ng writers 'yung buong team ng The Clash kasi every year, palupit nang palupit 'yung mga surprises. Ibang klase maski kami 'di namin alam kung ano 'yung mangyayari tapos kami [sasabihin namin] 'seryoso ba?'"

Panoorin ang guesting nina Julie Anne at Rayver sa Kapuso ArtisTambayan sa video sa itaas. Kapag hindi ito naglo-load nang maayos, maaari itong panoorin dito.

Bukod kina Julie Anne at Rayver, babalik din bilang Journey Hosts sina Ken Chan at Rita Daniela, gayundin ang The Clash panel na binubuo nina Asia's Nightingale Lani Misalucha, Asia's Romantic Balladeer Christian Bautista, at Comedy Concert Queen Aiai Delas Alas.

Mapapanood ang The Clash 2021 sa Oktubre sa GMA.