TV

Jo Berry, thankful sa suporta ng direktor at co-stars sa 'The Gift'

By Marah Ruiz

Balik-primetime ang aktres na si Jo Berry sa upcoming GMA Telebabad series na The Gift kung saan makakasama niya si Kapuso actor at Asia's Multimedia Star Alden Richards.

Jo Berry

Ito ang kanyang pangalawang regular teleserye matapos ang matagumpay na run ng hit GMA Telebabad series na Onanay.

Sa The Gift, gaganap si Jo bilang Strawberry, ang adoptive mother ni Sep na karakter naman ni Alden.

The Gift: Kilalanin si Strawberry | Teaser

Kahit bata pa si Jo, wala daw sa kanyang problema na gumanap ng mother roles. Pero aminado din siya na naging challenge ito sa kanya dahil wala pa siyang anak.

"Mahirap in a way pero kasi tinutulungan po talaga ko ni Direk LA [Madridejos] kung paano ako mag-a-adjust. Si Alden din po, laking tulong na pina-feel niya sakin na puwede akong maging kumportable sa kanya sa first few days pa lang, kaya naging magaan po 'yung pagiging nanay ko sa kanya," paliwanag ni Jo.

Masaya naman si Jo na makatrabaho si Alden, lalo na at iniidolo niya ito.

"Isa po [si Alden] sa pinag-pray ko na maka-work and binigay naman po. Masaya po ako sa role ko ngayon," ani Jo tungkol sa kayang co-star.

"Sobrang galing po niyang aktor. Hindi pa po ako artista lagi ko na siyang pinapanood. Ang daming instances dati na lalapit ako, magpapa-picture lang ako.

"Nag-start na pong mag air 'yung Onanay tapos sinasabi ko lagi sa kanya, sana magka-work tayo. Tapos ito na," masaya pa niyang dagdag.

Lubos din daw nagandahan si Jo sa istorya ng The Gift at talagang malaki ang tiwala niyang magugustuhan din ito ng mga manononood.

"'Yung The Gift po is a combination na light saka nila kayo papaiyakin so mas masakit siya, in a way. At the end of the day, mare-realize mo 'yung lesson, kung ano 'yung gustong ipahatid ng kada karakter," pahayag niya.

The Gift | Official trailer

Sa The Gift, mawawalan ng paningin ang simpleng Divisoria vendor na si Sep pero magiging kapalit nito ang kakayanang makita ang nakaraan at hinaharap. Dahil dito, magsisilbing inspirasyon at pag-asa si Sep sa kanyang komunidad.

Huwag palampasin ang The Gift, simula September 16, pagkatapos ng Beautiful Justice sa GMA Telebabad.