TV

Glydel Mercado, magiging api-apihan sa 'The Stepdaughters?'

By Bea Rodriguez



Sino kaya ang mang-aapi sa batikang aktres na si Glydel Mercado?

Gagampanan ni Glydel ang karakter ni Luisa de la Rosa, ang butihing ina ng bidang si Mayumi sa inaabangang GMA Afternoon Prime soap na The Stepdaughters.

“Ako ‘yung mommy ni Mayumi na character ni Megan Young. Mabait akong ina rito tapos mabait na asawa at siyempre, api-apihan ako nang kaunti,” bahagi ng award-winning actress sa panayam ng GMANetwork.com.

Magiging mahirap daw ang pagdaraanan ng kanyang karakter sa drama series. Saad niya, “Simula noong namatay ‘yung tatay ni Mayumi, si Allan Paule [bilang] Mario, kami lang dalawa ni Mayumi ang palaging magkasama.”

Dahil masipag at maprinsipyo si Luisa, kung ano-anong trabaho ang kanyang papasukan para lang maitaguyod ang anak. Ang hindi niya alam ay may iniwang kayamanan ang kanyang asawa bago ito mamatay.

“Butihing ina ako rito. Hindi naman namin alam na meron palang magandang kapalaran na nag-hihintay sa amin na parang itinago sa amin ng ibang karakter,” kuwento ng aktres.

Nakatakda bang gumanda ang buhay ng mag-ina o habambuhay na silang malulugmok sa kahirapan? Abangan ang GMA Afternoon Prime soap na The Stepdaughters ngayong Pebrero na!