
Ikinuwento ni Lucky Robles na ang judges o inampalan ng "Tanghalan ng Kampeon" sa TiktoClock ang naging tulong para sa kaniyang mga naging performance.
Si Lucky ay ang ikatlong grand finalist sa "Tanghalan ng Kampeon." Siya rin ang contestant na huminto na sa banggaan sa "Tanghalan ng Kampeon" nang mapabilang na siya sa grand finals dahil sa kaniyang health condition.
PHOTO SOURCE: @luckyrobles
Sa exclusive interview ng GMANetwork.com kay Lucky, inilahad niya ang halaga ng comments ng judges sa mga sumasali sa mga singing contest.
"Mas nakakatulong po siya na mas ma-enhance pa 'yung skills namin," sagot ni Lucky.
Ayon pa sa first male grand finalist ng "Tanghalan ng Kampeon": "Ang comments or constructive criticism, para po sa amin 'yun, hindi para sa kanila. Kasi napagdaanan na nilang lahat 'yun e. So parang ang gusto nilang gawin is nandito na sila sa road na ito, sa journey na ito, ibinibigay namin sa inyo itong mga tips na ito na dapat ninyong gawin para mas mapanatili ninyo 'yung talent ninyo, mapanatiling okay."
Binigyang diin pa ni Lucky na ang comments na ito ay pinaniniwalaan niyang hindi lang pag-enhance ng talento nila sa pagkanta kung hindi para magkaroon sila ng magandang career bilang singer.
"Para mas ma-enhance pa siya and in the long run para mas maging matagal pa kayo dito sa industriya."
Binalikan naman ni Lucky ang isang pagkakataon kung kailan agad niyang sinunod ang isa sa mga inampalan na si Renz Verano.
Ani Lucky, "Si Sir Renz that time, 'yung mismong ako 'yung napiling lalaban sa kampeon, ginawa ko kaagad 'yung sinabi niya. Kasi gusto kong ma-feel niya na sumusunod ako doon sa gusto niyang mangyari. Kasi alam ko naman na para sa amin 'yun e, 'yung guidance na 'yun."
Ayon pa kay Lucky, malaki ang kaniyang pasasalamat sa mga inampalan dahil sila ang gumagabay sa kanilang pag-develop bilang mga mang-aawit.
"Sobrang salamat po talaga sa aming mga inampalan na talagang nagpapakita ng pag-aalaga at suporta sa aming lahat."
Panoorin ang "Tanghalan ng Kampeon" sa TiktoClock, Lunes hanggang Biyernes, 11:00 a.m. sa GMA Network at GTV.
Maaari ring abangan ang TiktoClock sa YouTube via Kapuso Stream at sa TiktoClock Facebook page.