TV

Super Sireyna Francine Garcia bilang Kadyo sa 'Villa Quintana'


Sa mga nakapanood sa original na Villa Quintana noong mid-90s, malamang ay naaalala nyo pa ang character ni Danica, ang bading na kaibigan ni Lumeng na nagsilbing comic relief ng heavy drama soap.

Ginampanan noon ni Philip Lazaro ang masayahing character na ito. At ngayon, ite-turn over na niya kay Francine Garcia ang korona. Nakilala si Francine nang manalo siya sa Super Sireyna miss gay competition ng longest running noontime show na Eat Bulaga.

Pero sa remake ng nasabing show, hindi nyo maririnig ang pangalang Danica dahil iba na ang pangalan ng character na ito.

Siya na ngayon si Kadyo (lalaking pangalan niya), pero nag-iiba-iba kapag siya ay babae. Base raw ang pangalan niya sa kung sino man ang reigning beauty queen. Kaya ngayon, siya si Miss World 2013 Megan Young.

Kuwento ni Francine, hindi raw siya dumaan sa audition para sa character na ito. Ipinagmamalaki niyang sinabi na “hand-picked” daw siya para gampanan ito. Masaya raw siya na binigyan siya ng opportunity na umarte. Ito kasi ang unang sabak niya sa teleserye.

Ayon kay Francine, medyo challenging ang role ni Kadyo dahil iba raw ang pananamit nito. “Mahirap lang kasi kailangan i-downgrade yung physicality. Kasi kailangan mag-blend in sa character na nasa barrio. So kailangan ‘yung way of clothing, kailangan i-tone down.”

Ibinahagi pa ni Francine ang experience niya noong first taping day. Nang pumunta raw kasi siya sa set para mag-take, pinabalik siya ng kanilang direktor na si Gina Alajar para magpalit ng damit. Sinabi raw nito na dapat medyo pangitan iyong suot.

Pero ito lang daw ang challenge sa kaniya kasi parang hindi naman siya umaarte dahil siyang-siya ang character ni Kadyo.  Dagdag pa niya, “Kasi mga gays naman iisa lang din naman ang buhay talaga eh. ‘Yong palagi lang magulo, palagi lang happy kahit pagod (na) pagod na.”

Nang tanungin si Francine kung ano ba ang inspirasyon niya, “Siyempre iyong future at saka the lifelong dream of becoming an actress. Kasi siyempre hindi naman lahat nagiging performing artist. Hindi naman lahat ng third kind nabibigyan ng chance especially transgenders as we are. Hindi naman lahat ng nagko-cross-dress nabibigyan ng chance.”

Saan nga ba talaga patungo ang career ni Francine? Sa hosting or acting? “Both hosting and acting but mas nae-enjoy ko ‘yong acting,” sagot niya.

Pero kahit unti-unti nang tinatahak ni Francine ang acting, hindi niya pa rin pinababayaan ang Eat Bulaga. Kapag walang conflict sa schedule ng taping ng Villa Quintana ay nagho-host pa rin siya sa noontime show.

Abangan ang character ni Francine Garcia bilang Kadyo sa remake ng Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga sa GMA Afternoon Prime. - Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com