TV

Barbie Forteza at Kristoffer Martin, ano ang reaksyon nang malamang muli silang magkakatrabaho?

By Aaron Brennt Eusebio

Muling magkakatrabaho ang matalik na magkaibigan na sina Barbie Forteza at Kristoffer Martin sa ikalawang istorya ng Wagas na 'Wait Lang … Is This Love?'

Maaalalang nagkatrabaho sa telebisyon sina Barbie at Kristoffer sa Tween Hearts noong 2010. Pagkatapos nito, naging love team sila sa Luna Blanca noong 2012.

Pero kuwento ni Kristoffer, bata pa lang sila ay magkakilala na sila ni Barbie.

"Kaibigan ko si Barbie since batang-bata pa," pahayag ni Kristoffer.

"Ayan si Barbie ang pinakauna kong nakatrabaho. Nag-commercial pa kami before, hindi pa siya artista."

Ngayong muli silang magsasama sa isang proyekto, alam na raw ni Barbie na magiging masaya sila sa set ng 'Wait Lang… Is This Love?'

"Tinext niya ako!" masayang kuwento ni Barbie.

"Siya yung unang-unang nagsabi sa akin. Sabi niya (Kristoffer), 'OMG magkaka-work tayo.'

"Sabi ko, 'Saan?' Sabi magkikita raw kami sa Friday. Sabi ko, 'Ay nako!'

"So alam ko na noon pa lang na magiging masaya 'tong show na 'to."

Makakasama nina Barbie at Kristoffer ang kaibigan nila at boyfriend ni Barbie na si Jak Roberto.

Kasama rin sa 'Wait Lang … Is This Love?' sina Yayo Aguila, Tina Paner, Rey PJ Abellana, Ayra Mariano, Ashley Ortega, Mico Aytona, Chrome Cosio, at Jun Sabayton.

Bago ang 'Wait Lang … Is This Love,?' patuloy na subaybayan ang unang istorya ng Wagas na 'Throwback Pag-ibig,' na pinagbibidahan nina Sunshine Dizon, Mike Tan, Leanne Bautista, at Regine Angeles.

Huwag palampasin ang Wagas, Lunes hanggang Biyernes, bago mag Eat Bulaga.