Dingdong Dantes, sinurpresa sa taping ng 'Firefly' | GMANetwork.com - Pictures - Articles

Ipapapanood kaya ni Dingdong sa kanyang mga anak na sina Zia at Ziggy ang Firefly?

Dingdong Dantes, sinurpresa sa taping ng 'Firefly'

By AARON BRENNT EUSEBIO

Excited na si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes na mapanood ng kanyang mga anak na sina Zia at Ziggy ang pinagbibidahan niyang pelikulang Firefly.

Kasama ni Dingdong sa Firefly, ang pinakamalaking pelikula ng GMA Network at flagship film ng GMA Public Affairs ngayong 2023, sina Euwenn Mikael—na gaganap bilang batang Dingdong—at Max Collins.

Ayon sa report ni Lhar Santiago sa 24 Oras, na-"love at first read" si Dingdong nang basahin niya ang script ng pelikula.

"Kung gaano ka-colorful lalabas 'yung pelikula kasi it talks about fireflies, grabe, ibang klase. Maraming elemento na pangbata, maraming elemento ng pagiging fantasy," saad ni Dingdong.

Masasabi ni Dingdong na "perfect timing" ang pagsu-shoot niya sa Firefly na pre-pandemic pa nagsimulang gawin.

"Kaya maganda na talagang nakahanap sila ng perfect timing to do it now. I'm sure ang dami nang dinaanan na mga revisions, andami nang dinaan na challenges at mga panahon," dagdag ni Dingdong.

Bukod sa pelikula, inanunsyo rin ni Dingdong na maglalabas rin ang GMA ng children's book tungkol sa kuwento ng Firefly.

"Very, very soon maglalabas din ang GMA ng children's book tungkol sa kuwento. Hindi lang nila mapapanood, e, talagang mababasa pa nila ito gabi-gabi sa kanilang mga tahanan," anunsyo ni Dingdong.

Sinurpresa rin si Dingdong ng cast at crew ng Firefly ng isang birthday cake sa gitna ng kanilang shoot. Ipinagdiwang ni Dingdong ang kanyang ika-43 kaarawan noong August 2.

Mapapanood ang Firefly sa lahat ng sinehan nationwide ngayong 2023.