GMA Kapuso Foundation, naituloy na ang pagpapagamot sa mga batang may namamagang dila | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naantala ng pandemya ang pagpapagamot ng GMA Kapuso Foundation sa dalawang bata na may namamagang dila.

GMA Kapuso Foundation, naituloy na ang pagpapagamot sa mga batang may namamagang dila

By MARAH RUIZ

June 2021 nang binisita ng GMA Kapuso Foundation si Jay-R Almazan na mula sa Isabela na may dila na lumalaki at namamaga.

"'Pag may nakain siyang kontra sa dila niya, sumasakit at saka lumalaki," paliwanag ng kanyang amang si Leonardo Almazan Jr.

Hiling na maayos na makakain at makapag-aral si Jay-R.

Naantala ang pagpapagmot kay Jay-R dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases noong 2021. Ngayong taon, dahil sa pagbaba ng mga kaso, binalikan na siya ng GMA Kapuso Foundation para maipagpatuloy ang pagpapagamot.

Sa tulong ng 5th Infantry Division ng Philippine Army, nasundo si Jay-R mula Isabela patungong Maynila.

Ipinasuri din siya kay Dr. Gil Vicente, senior ENT consultant.

"Ang diagnosis natin ay hemangiolymphangioma. 'Pag sinabing 'hemangio,' dugo ang component noon at saka at the same time, may lymphatic system doon eh," paliwanag niya tungkol sa kundisyon ni Jay-R.

Dagdag pa niya na isa sa 12,000 bata ang tinatamaan ng ganitong kundisyon.

Sumailalim na rin sa CT scan si Jay-R para matukoy kung anong klaseng bukol ang mayroon siya.

"Nananawagan po ako sa lahat ng gustong tumulong sa amin at sa anak ko," sambit ng ama niyang si Leonardo.

Nagpapasamalat ang GMA Kapuso Foundation sa tulong ng 5th Infantry Division ng Philippine Army, Child Haus, at ni Dr. Gil Vicente.

Samantala, sumailalim na rin sa angiogram si Gadiel Caagusan na may halos kaparehong kundisyon ni Jay-R bilang paghahanda sa pagpapatuloy ng kanyang gamutan.

 

GMA Kapuso Foundation

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa kanila at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.