Batang may namamagang dila, nasimulan na ang gamutan salamat sa GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naging susi ang GMA Kapuso Foundation para masimulan na ang pagpapagamot ng isang batang may namamagang dila.

Batang may namamagang dila, nasimulan na ang gamutan salamat sa GMA Kapuso Foundation

By MARAH

March 2022 nang maitampok ang kuwento ni Gadiel Caagusan, isang 9-year-old mula sa Mandaluyong.

Namamaga ang dila ni Gadiel at halos sinlaki na ito ng kanyang mukha.

Madalas magdugo ang kanyang dila at nagdudulot ito ng pamumutla at pagbagsak ng katawan ng bata kaya agad siyang ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation.

"Sa kanya, nakita natin mukhang hindi lang dugo. May mga lymphatics na nag-combine na. Hemangioma at saka lymphangioma, nagsama," paliwanag ng ENT specialist na si Dr. Gil Vicente tungkol sa kundisyon ni Gadiel.

Matapos maitampok ang kanyang kuwento, lumapit sa GMA Kapuso Foundation ang JC Cares Foundation para magbigay ng paunang tulong sa kanyang gamutan.

Nitong April nagsimula ang gamutan ni Gadiel.

"Ang sclerotherapy po ay isang paraan ng gamutan kung saan direkta naming ini-inject ang gamot sa abnormal na blood vessel. Sinisira po nito ang lining ng blood vessel nang sa ganoon, mapipigilan po ang patuloy na paglaki at pagdami nito," paliwanag ni Dr. Marvin Tamaña, isang interventional radiologist.

Nakaka tatlong session na si Gadiel at unti unti nang nakikita ang pagbabago sa kanyang dila.

"Sa kaso po ni Gadiel, nag-i-inject na kami ng gamot isang beses every four weeks. So far, after the first injection, may bahagya na pong pagliit ang dila niya. Naigagalaw na rin po niya ito ngayon at wala na po 'yung mga pagdurugo," pagpapatuloy ni Dr. Tamaña.

Mas masigla na at may gana nang kumain si Gadiel ngayon.

"Ngayon okay na, hindi na katulad dati. Hindi na nananakit," kuwento ni Gadiel.

Nagpapasalamat siya sa mga nagmagandang loob at tumulong sa kanya.

"Salamat po sa mga tumulong sa akin. Sana pagpalain kayo ng Diyos," aniya.

Kailangan pa rin ni Gadiel ng karagdagang tulong para maipagpatuloy ang kanyang pagpapagamot.

"Tuloy tuloy pa din po ang gamutan ko. Sana tulungan n'yo po ako," panawagan niya.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pagtulong ng JC Cares Foundation, Dr. Gil Vicente, Dr. Marvin Tamaña and team, CDRMMO-Mandaluyong, Lunguard Chewables, at International Pharmaceutical Incorporated.

Sa mga nais mag-abot ng tulong kay Gadiel at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.