GMA Kapuso Foundation, nag-abot muli ng tulong at birthday gifts sa batang hindi makalakad | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Muling nag-abot ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa isang batang hindi makalakad. Bukod dito, hinandugan pa siya ng ilang sorpresa para sa kanyang kaarawan.

GMA Kapuso Foundation, nag-abot muli ng tulong at birthday gifts sa batang hindi makalakad

By MARAH RUIZ

Nasubaybayan ng GMA Kapuso Foundation ang paglaki ng batang si Qwinzy Bangalan mula Cagayan.

Ilang taon ding pinahirapan ng malaking bukol sa kanyang puwetan si Qwinzy kaya hindi ito makalakad at nakakatayo.

Sa pagtutulungan ng GMA Kapuso Foundation at 5th Infantry Division ng Philippine Army, nailuwas si Qwinzy patungong Maynila.

Nitong August 2021 siya napa-operahan para matanggal ang spinal fluid sa kanyang puwetan na may bigat ng 1.5 kilos.

"Excited na po ako para makalakad po ako. Makakapaglaro na po ako kasama 'yung mga bata," pahayag ni Qwinzy.

Matagumpay ang kanyang operasyon pero dahil sa tagal niyang iniinda ang bukol, naapektuhan nito ang kanyang ang postura at paglalakad.

Kaya naman binalikan ng GMA Kapuso Foundation si Qwinzy at hinandugan ng knee ankle foot brace na makakatulong sa kanyang paglalakad.

"'Yung condition po ni Qwinzy is myelomeningocele. At the time na buntis po si mommy niya, it did not form properly. So 'yung problem po, the spinal chord, the one na nagpapagana po ng legs niya, was affected at the time of birth," paliwanag ni Dr. Monalisa Lim-Dungca, isang specialist sa physical and rehabilitation medicine.

Ipinaliwanag din niya ang pagpapatuloy ng gamutan para sa mga binti ni Qwinzy.

"What she's using po right now are what we call knee ankle foot braces. We're hoping over time, basta ma-therapy, ma-train at saka 'pag lumalaki na po siya, medyo mapalakas pa po natin," aniya.

Samantala, sinorpresa din ng GMA Kapuso Foundation si Qwinzy sa mismong ika-siyam niyang kaarawan. Binigyan siya ng simpleng handaan at mga regalo tulad ng damit, groceries, at vitamins.

 

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa nina Dr. Monalisa Lim-Dungca, Child Haus, Pascual Laboratories Inc., at Vans Philippines.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, Globe Rewards, at Metrobank credit card.

Maaari ring mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, Mega Mart, at Lazada.